Malasakit at walang sawang pagseserbisyo
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 29, 2021
Masaya nating ibinabalita na kabubukas lang ng ika-145 at ika-146 Malasakit Center sa Philippine National Police General Hospital sa Camp Crame, Quezon City at sa Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center. One-stop shop ito kung saan nagsama-sama ang mga ahensiya ng pamahalaan na maaaring tumulong sa mahihirap na pasyente sa pagbabayad ng kanilang hospital bills.
Ito ang serbisyong ipinangako at tinupad namin ni Pangulong Rodrigo Duterte — serbisyong ramdam kahit saang sulok ng bansa. Ano nga ba ang kuwalipikasyon sa Malasakit Center? Basta Pilipino, poor o indigent patient, qualified sa mga serbisyo nito.
Mayroon na tayong 80 Malasakit Centers sa Luzon, 37 sa Mindanao at 29 sa Visayas at tuluy-tuloy lang ang pagbubukas nito dahil sa batas na ito.
Sa lahat ng panahon, ang pangunahing prayoridad namin ng Pangulo ay ang kapakanan ng bawat Pilipino. Kaya gastusin dapat ang pera ng gobyerno para tulungan ang mga hopeless, helpless at walang matakbuhan. Ibalik ang pera sa mahihirap.
Kaya alinsunod sa mandato ng kasalukuyang administrasyon ay uunahin natin palagi ang pagseserbisyo sa mga pinakanangangailangan ng tulong, tulad ng mahihirap nating kababayan na may sakit. Kasama na ang mga naapektuhan ng pandemya at mga nakaraang krisis.
Nitong Oktubre 23 hanggang 28, patuloy na umikot ang ating opisina para mamahagi ng tulong sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Tulad na lamang ng mga pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at hirap bumangon dahil sa pandemya. Aabot sa halos 4,000 indibidwal ang tumanggap ng aming tulong mula sa mga bayan ng Naujan, Baco at Socorro sa Oriental Mindoro; 4,580 pamilya sa Libon at Tabaco, Albay; 858 pamilya sa Bula, Camarines Norte at 165 pamilya na apektado ng baha sa ilang barangay sa Las Piñas City.
Sinaklolohan din ng ating staff ang ilang residenteng nawalan ng tirahan dahil sa sunog.
Sa Zamboanga City, nasa 480 pamilya ang natulungan; 58 pamilya sa dalawang
barangay sa Cagayan de Oro City; 106 sa Iligan City, 37 sa Butuan City; 152 na mga biktima ng sunog at diarrhea outbreak sa Lupon at Manay, Davao Oriental; at 48 na mga nasunugan sa Project 6, Quezon City.
Muli rin nating binalikan ang mga kababayan nating naapektuhan ang pamumuhay sa kanilang probinsiya. Umabot sa mahigit 10,000 katao mula sa iba’t ibang sektor ang nakatanggap ng tulong mula sa mga bayan ng Anda, Batuan, Bien Unido, Jagna, Panglao, President Carlos P. Garcia, Sagbayan, San Isidro, San Miguel at Talibon sa Bohol; 2,050 residente sa Dueñas, Iloilo; 1,300 sa San Sebastian, Samar; 4,000 na mga mahihirap sa Plaridel, Bulacan; 1,000 na pamilya sa Davao City; 100 na mga Ata Manobo sa Talaingod, Davao del Norte; mahigit 2,000 katao sa Loreto at Rosario sa Agusan del Sur na kinabibilangan ng mga indigents, purok officials at college students; at 4,049 na mga senior citizens sa Victoria, Tarlac.
Nagpatuloy din ang pamamahagi ng ayuda sa halos 3,000 displaced workers sa Mariveles, Bataan. Bukod d’yan ay nabigyan din ng tulong ang 414 na drivers at operators sa Pasay City; 880 micro-entrepreneurs sa Burgos at Piddig sa Ilocos Norte; 530 sa Licab, Nueva Ecija, 1,000 sa Moncada, Tarlac; 1,147 na indigent families sa Magsaysay, Linamon, Lala municipalities at 62 na mga magsasaka sa Sultan Naga Dimaporo sa Lanao del Norte.
Habang papalapit ang Pasko, tandaan nating ang pakikipagbayanihan at pagmamalasakit sa ating kapwa ang susi para magtagumpay tayo sa ating laban kontra pandemya.
Hinihikayat natin ang lahat ng mga Pilipino na mas paigtingin pa ang pagsunod sa mga protocols para tuluyang mabawasan ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19. Higit sa lahat, magpabakuna tayo. Nasa datos na kapag bakunado, mas maiiwasan ang severe na kaso ng COVID-19. Bumababa na ang bilang ng mga kaso sa Maynila, pero huwag pa rin tayong magpakumpiyansa.
Mawalang-galang din sa iba riyan, pero nais nating ipaalala na ‘wag nating unahin ang pulitika sa panahon ng pandemya. Mas interesado ang taumbayan kung paano natin malalampasan ang krisis. Unahin muna ang tungkulin sa bayan dahil kung hindi natin malalampasan ito, baka wala na tayong pulitikang pag-uusapan pa.
Kahit marami ang bumabatikos, ang tanging bilin ni Tatay Digong ay tutukan ang pagseserbisyo upang makatulong sa ating mga kababayan na mabigyan ng mas komportable at maginhawang kinabukasan ang ating mga anak. Ito ang ating ipinaglalaban at ito ang pangakong tutuparin natin upang maipagpatuloy ang magagandang pagbabago na nasimulan ni Tatay Digong para sa ikabubuti ng buhay ng bawat Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments