Malalakas na mga bagyo, hudyat nga ba ng matinding La Niña?
- BULGAR

- Oct 26, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 26, 2024

Ang nararanasan nating malalakas na buhos ng ulan kasabay ng halos magkakasunod na bagyo at sama ng panahon ay palatandaan na kaya ng tumitinding pagtama ng La Niña sa ating bansa?
Sa isang panayam kay PAGASA Administrator Nathaniel Servando, inamin niya na posibleng ang mga pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha sa Bicol Region at iba pang bahagi ng bansa dahil sa Bagyong Kristine ay maging hudyat ng madalas at malawakan pang pag-ulan.
Ayon sa opisyal, maaaring ito ay mag-trigger o magbunsod para sa unti-unting paglakas pa ng La Niña na ating nararanasan.
Paliwanag ni Servando, ang La Niña phenomenon ay kabaliktaran ng El Niño phenomenon na nagdulot ng kakapusan ng tubig noong dry season. Ito (La Niña) ay nailalarawan sa pamamagitan ng mga hindi pangkaraniwang cooler-than-average na mga sea surface temperature o SST sa central and eastern equatorial Pacific (CEEP).
Ang ating bansa ay maaaring makaranas ng mas mataas na tsansang mag-increase ng tinatawag na convective activity at paglitaw ng tropical cyclone na posibleng magdulot ng higit sa normal rainfall o pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa sa mga darating na mga buwan. Aniya, maaaring kabilang sa mga potensyal na masamang epekto nito ang mga pagbaha at mga landslide sa mga lugar na mahihina ang lupa, na may iba’t ibang magnitude.
Matatandaang iniulat na rin ng DOST-PAGASA, batay sa kanilang climate models at pag-aaral ng mga eksperto, na 70 porsyento ang posibilidad na mabuo ang La Niña ng August-September-October (ASO) 2024 season at malamang na magpatuloy hanggang sa unang quarter ng 2025.
Sinabi ni Servando na patuloy namang mino-monitor ng kagawaran ang anumang development sa naturang weather phenomenon. Habang hinikayat niya ang lahat ng kinauukulang ahensya ng gobyerno at ang publiko na subaybayan at magsagawa ng mga precautionary measure laban sa mga paparating na climate impacts.
Nakalulungkot isipin na sa kabila ng mga nauna nang report na inihahatid ng kaukulang ahensya hinggil sa pagtama ng La Niña ay hindi pa rin nakapaghanda nang lubos ang ating gobyerno.
May mga impormasyon na at lahat, na ang dala ng naturang phenomenon ay matindi at malalakas na pag-ulan at sabayan pa ng pagtama ng bagyo kaya makakaranas ng mga pagbaha sa maraming bahagi ng bansa, pero hindi ito napagtutuunan ng pansin.
Kaya masaklap talaga dahil kung kailan nandiyan na ang problema ay saka pa lamang kikilos.
Ang nangyari ito sa Bicol Region ay magsilbing aral sana sa lahat na ang kawalan natin ng paghahanda at hindi pagbibigay ng atensyon sa paparating na sitwasyon ay nagreresulta sa delubyo at matinding dagok sa ating pamumuhay.
Sa kinauukulan, sana ay doble-kayod ang inyong gawin para tulungan ang mga kababayang labis na naapektuhan ng kalamidad habang mag-isip ng mga tamang hakbang sa pagsagupa natin sa mas matinding La Niña at mga bagyo, nang sa gayon ay hindi na maulit pa ang ganitong trahedya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments