top of page
Search
BULGAR

Malaking tulong ang pagsuspinde sa registration ng e-vehicle

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 18, 2024



Boses by Ryan Sison

Pansamantalang makakahinga-hinga ang mga may-ari ng light electric vehicle (LEV) sa mga kinakailangan patungkol dito. Ito ay dahil sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang registration ng mga LEV gaya ng e-trikes, e-bikes, at e-scooters.


Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, itinigil muna ng ahensya ang pag-require sa mga LEV user na kumuha ng driver’s license habang pinaplantsa pa nila ang roadworthiness regulations para sa naturang behikulo, at dahil ilang lokalidad na rin naman ang naglabas ng kani-kanilang ordinansa sa paggamit nito. 


Sinabi ni Mendoza na pinakamahalaga ang road safety, kung saan hindi puwedeng walang ilaw, kailangang may helmet at iba pa. Gusto nilang maglagay sa lalong madaling panahon ng mga guidelines na mamamahala sa paggamit ng LEV, at kung makikita nila ang mga ito ay road worthy ay walang magiging problema. 


Binanggit din ng LTO chief na may ilang panawagan na babaan ang edad na kinakailangan para sa licensing.


Nilinaw naman ng ahensya na ang kanilang latest order ay hindi makakaapekto sa mga ordinansang ipinatutupad sa iba’t ibang local government units (LGUs). 


Paliwanag ng ahensya, kung may mga lokalidad na nagbabawal sa paggamit ng e-vehicles, ito ang dapat na masunod. Subalit, maraming e-vehicle driver ang umaasa na kalaunan ay papayagan sila ng LTO na makabiyahe uli. 


Iginiit din ni Mendoza na ang polisiya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa pagba-ban ng mga LEV sa mga pangunahing lansangan sa National Capital Region (NCR) ay nananatili. 


Binigyang-diin naman niya na kung manghuhuli sila dahil walang lisensya o kaya ay hindi rehistrado ang LEV, hindi muna, suspended muna ito.


Matatandaang noong Pebrero ay iminungkahi ng LTO ang pagpaparehistro ng mga e-vehicle sa isang pampublikong konsultasyon. 


Habang inaprubahan ito ng Metro Manila Council at Metro Manila Development Authority ang resolusyon na nagbabawal sa mga LEV sa mga national road at nagpapataw ng multang P2,500. Para sa mga driver na nahuli nang walang lisensya sa pagmamaneho, ang sasakyan ay i-impound.


Malaking tulong para sa mga kakabayan natin na may mga e-vehicle ang gagawing pagsuspinde sa pagpaparehistro ng mga naturang sasakyan at siyempre ang pagkuha ng lisensya para rito.


Kumbaga, makakatipid sila sa gastusin sa pagkuha ng mga requirement para magamit ang kani-kanilang e-vehicle habang makakabawas din sa pamasahe at siyempre sa napakamahal na gas para sa ibang sasakyan.


Kung tutuusin kasi kapag walong oras mong tsina-charge ay halos isang linggo na ito na pinapatakbo bago pa man ma-lowbat, kaya malaki talaga ang katipiran.


Hiling lang natin sa kinauukulan na sana bukod sa pagpapatupad sa bagong panuntunan para sa mga e-vehicle ay mabuting isaayos ang mga polisiya at iba’t ibang patakaran patungkol sa sa roadworthiness para kahit paano ay mabawasan ang mga nangyayaring aksidente sa mga lansangan at maging ligtas ang pagbiyahe ng ating mga kababayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page