top of page

Malaking karangalan ang panunumpa ni Mayor Sara sa Lakas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 15, 2021
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 15, 2021



Noong nakaraang column natin ay isinulat pa ang magkahalong emosyon na aking nararamdaman dahil sa naganap na kasal ng aking anak noong Nobyembre 11, 2021 na kahit handang-handa ang aming pamilya ay tila aligaga ang aking pakiramdam.


Nakararamdam ako ng kalungkutan noong araw na iyon dahil ikakasal na ang mahal na mahal kong anak na si Victoria Gianna sa kanyang fiancé na si Jed Patricio, ngunit tinatalo naman ako ng kasiyahan dahil kitang-kita kung gaano kasaya ang aking anak.


Noong Huwebes ay natuloy na ang kasal at naging maayos ang lahat, pero nakalulungkot pa rin bilang ama na mahihiwalay na ng tirahan ang kanyang anak na unti-unti namang napawi nang makita kung gaano kasaya ang mga nagsidalong kaibigan.


Piling-pili lamang ang nagsidalo sa naturang kasal na ginanap sa aming farm sa Silang, Cavite na binubuo ng mahahalagang tao sa aming buhay para samahan ang aming pamilya sa naturang pag-iisang dibdib.


Hindi kami nagkaroon ng kahit bahagyang problema sa mga bisitang nagsidalo dahil lahat ay maayos na sumunod sa umiiral na health protocol na kahit nagtalaga kami ng mga magpapaalala para sa physical distancing, tila marami na ang nagkusa.


Kaya labis-labis din ang aking pasasalamat kahit sa mga kapatid natin sa pamamahayag ay kitang-kita ang disipilina at hindi nagkaroon ng karaniwang siksikan at agawan ng puwesto para lamang makapagsagawa ng ambush interview.


Naging masaya rin ang reception kahit kapansin-pansin ang malaking distansiya ng pagkakaayos ng mga upuan at lamesa upang makasunod lamang at maging halimbawa ng pagsunod sa umiiral na health protocol.


Sa totoo lang, ilang araw bago sumapit ang naturang kasal ay maraming isipin ang sumasagi sa aking isipan kabilang na ang tila hindi ko kahandaan sa emosyong aspeto at pilit kong inaarok kung bakit nangyayari ang lahat ng ito.


Matapos ang seremonya ng kasal ay may nagsabi sa akin na pormal na aanib si Mayor Sara Duterte sa aming partido, kaya’t agad-agad akong nagpahanda ng isang lugar kung saan maaaring isagawa ang simple, ngunit makasaysayang pangyayari.


At bago mag-reception ganap na alas-6:00 ng gabi ay nanumpa sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na noon ay bisita namin dahil isa sa mga ninang ng naturang kasal.


Sa harap ni House Majority Leader at Leyte Representative Martin G. Romualdez, na siyang Pangulo ng Lakas-CMD at sa aking harapan bilang Chairman naman ng partido ay isinapormal ang kanyang pag-anib.


Halu-halong emosyon ang naranasan ng mga nakasaksi, lahat ay nakangiti, lahat ay buhay na buhay at sobrang taas ng moral ng mga tao dahil sa pangyayaring ‘to na dahil sa taas ng kaligayahang nararamdaman ng marami ay hindi na namalayan ang patuloy na alingawngaw ng palakpakan.


Kahit nabigla kami sa bilis ng mga pangyayari ay itinuturing na malaking karangalan ng aming pamilya na ang kilalang personalidad sa pulitika na marami nang napatunayan ay sa aming farm nanumpa at pinili ang aming partido, at hindi na ito mabubura pa sa ating kasysayan.


Isang napakalaking karangalan na ang Lakas-CMD ang sinamahan ni Mayor Sara para maging kanyang national party dahil nakasama ko na siya sa mahabang kampanya ng Hugpong ng Pagbabago at nakita ko kung gaano siya kahusay at kasipag na lingkod-bayan.


Mahaba na ang kasaysayan ng Lakas-CMD sa paglilingkod-bayan, ang mga prinsipyo naman sa Christian-Muslim-Democratic ang siyang naging gabay ng aming miyembro sa loob ng tatlong dekada at patuloy na itinataguyod ang ipinagmamalaki naming legasiya para sa bansa.


Tapos na ang kasal, humupa na ang sitwasyon, pagod na ang lahat maliban sa akin na tila hindi nakaramdam ng kahit katiting na panghihina dahil pakiramdam ko ay kagigising ko lang at punong-puno ng enerhiya dahil sa hindi inaasahang pangyayari.


Dito lang pumasok sa aking katauhan ang ilang araw ko nang pakiramdam na tila ambigat-bigat dahil inihahanda pala ako ng sitwasyon sa isang napakasayang pangyayari na kailangan kong maramdaman sa oras na dumating na.


Hindi talaga sapat ang panulat na ito para sa labis-labis kong pasasalamat sa lahat, lalo na sa ating Panginoon na palagi nating karamay sa mga pagbabago sa ating buhay at sa panibago na namang yugto tungo sa pagbabago ng bansa.


Kaya buong-buo ang suporta ng Lakas-CMD sa anumang tatahakin ni Mayor Sara at gagawin namin ang lahat ng pagsisikap para makamit lamang niya ang minimithing tagumpay, dahil ang naturang tagumpay ay tagumpay din ng Partido, ng bayan at ng lahat ng mga Pilipino. Sara all!


Anak Ng Teteng!



May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page