top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Malaki ang pag-asa na magkakaroon tayo ng ligtas na pasko

BULGAR
Oct 15, 2021
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 15, 2021


Makaraan ang napakahabang panahon na puro negatibo na lamang ang ating naririnig at nababasa hinggil sa paulit-ulit na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa, tila unti-unti nang nagkakaroon ng liwanag ang sama-sama nating pagsisikap sa labang ito.


Ilang araw nang sunud-sunod ang mga positibong balita hinggil sa papabuting sitwasyon ng bansa dahil sa pabawas na nang pabawas ang kaso ng mga nahahawa sa COVID-19 at ilang lugar na lamang ang kasalukuyang tinutugunan ng pamahalaan.


Ang OCTA Research Team na halos ayaw nang pakinggan ng marami nating kababayan dahil puro nakaaalarmang ulat hinggil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay nagpahayag na sa wakas ay nananalo na tayo sa pakikipagtunggali laban sa Delta variant.


Ang Metro Manila umano ay kasalukuyang nasa ‘moderate risk’ na lamang kaya nasabi nilang unti-unti na nating nakakamit ang tagumpay mula sa napakalalang sitwasyon na kamakailan lamang ay halos wala nang pagamutang tumatanggap ng pasyente dahil sa hindi mapigilang pagdagsa.


Ayon sa Department of Health (DOH), ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa ay dinidetermina base sa five alert levels na ang pinakauna ay ang least restrictive, ngunit ayon sa OCTA ang National Capital Region (NCR) umano ay maaari nang ilagay sa less restrictive alert level 3 o level 2.


Hindi pa naman tuluyang nawawala ang Delta variant, ngunit ramdam na umano ang pagbagal ng pagkalat nito, ngunit huwag lamang umano nating basta ikatuwa na puwedeng humantong sa pagpapabaya at pagbibigay ng kumpiyansa na hindi na ito muling kakalat pa.


Hindi lang umano ang NCR ang bumababa na ang kaso dahil maging ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ay malaki na ang iginalaw ng pagbabawas ng kaso ng COVID-19 at mas marami pang karatig-lugar ang ganito na rin ang sitwasyon.


Dahil dito napakalaki na ng tsansa na magkaroon tayo ng magandang Pasko dahil sa unti-unti nang ibinabalik ang lahat sa dati tulad nang pagpayag ng pamahalaan sa pilot implementation ng face-to-face classes sa 120 public at private schools sa bansa sa ilalim ng pamamahala ng Department of Education (DepEd).


Maging ang Commission on Higher Education ay hindi nagpahuli dahil handa na rin silang simulan ang limitadong face-to-face classes sa lahat ng degree programs sa mga colleges at universities sa mga lugar na low-risk sa COVID-19 at mataas ang bilang ng mga naturukan ng bakuna.


Posibleng isa sa mga araw na darating ay payagan na rin ng Palasyo ang grupo ng mga may-ari ng sinehan sa kanilang kahilingan na payagan na silang magbukas dahil sa patuloy na pagbuti ng sitwasyon at wala pa namang napaulat na kaso sa buong mundo na may naganap na hawaan sa loob ng sinehan.


Unti-unti na ring nagbabalik ang sigla ng mga restaurant, salon, gym, SPA at iba pang kahalintulad na negosyo, partikular ang mga shopping mall at kitang-kita na rin ang pagdagsa ng mga parokyano lalo pa at panahon na ng ‘bermonths’ na marami na ang naghahanda sa kapaskuhan.


Maging ang Department of Tourism (DOT) ay pinapayagaan nang bumiyahe ang mga indibidwal sa kahit ano’ng edad mula sa Metro Manila basta’t point-to-point basis at dapat kumpleto na ng bakuna laban sa COVID-19.


Kahit ang Inter-Agency Task Force ay inamyendahan ang panuntunan para sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 4 na payagan na ang mga indibidwal na magbiyahe sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine at Modified GCQ.


Ang mahihilig sa zumba sa maraming lugar partikular ang mga isinasagawa sa mga plaza at iba pang open area ay tuwang-tuwa dahil malaya na rin silang nakapagsasayaw basta’t pinaiiral lamang ang tamang health protocol tulad na rin ng mga nagdya-jogging at iba pang nag-e-ehersisyo sa labas ng bahay.


Kung patuloy pang bababa ang kaso ng COVID-19 ay mas lalo pang madaragdagan ang mga kaluwagang mararanasin natin na dati-rati ay ipinagkait ng pamahalaan para sa kaligtasan ng marami nating kababayan at isang magandang indikasyon ito na malapit na nating matalo ang pandemya.


Kung ang positivity rate sa NCR na kasalukuyang nasa 12 porsiyento ay mapabababa pa natin sa mas mababa sa 12 porsiyento ay masasabi nating epektibo talaga ang patuloy na pagtuturok ng bakuna sa ating mga kababayan.


Ayon sa OCTA, maganda at posibleng makamit natin na mapababa ang kaso ng COVID-19 sa 5,000 kada araw sa darating na Nobyembre at 3,000 na lamang sa buwan ng Disyembre para sa buong bansa.


At tulad ng dati ay wala naman tayong dapat gawin kung hindi ang ipagpatuloy lamang ang isinasagawa nating paghuhugas ng mga kamay, pagsusuot ng facemask at face shield at pagsunod sa pinaiiral na physical distancing.


Maganda nga ang resulta ng inilabas ng isang survey firm na nasa 91 porsiyento ng mga Pinoy ang takot mahawa sa COVID-19 at magandang panghawakan ang resultang ito para mas lalo pa tayong mag-ingat at tuluyang matalo na ang pandemyang ito.


Dahil tanaw na natin ang malaking pag-asa na magkakaroon tayo ng ligtas na Pasko, ngayon pa lamang ay binabati ko na kayo ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page