Malakas na mensahe ng INC sa gobyerno, dapat pakinggan!
- BULGAR

- 31 minutes ago
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 21, 2025

Umuusok sa init ang nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa flood control scandal, kung saan nagdawit ng mga bagong pangalan ang dating Undersecretary ng Department of Public Works and Highways na si Roberto Bernardo.
Hindi gaya ng mga Discaya, pinili nitong si Bernardo na ilantad ang lahat ng kanyang partisipasyon at transaksyong may kinalaman sa alokasyon at paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Tulad ng mga dating pagdinig, maraming Pilipino ang naluha, nagalit, nayanig at naunsiyami sa diumano’y daan-daan milyong korupsiyong nalantad na naman sa taumbayan.
Sa halip na manahimik, pinili nitong si Bernardo na kahit paano ay punuan ang kanyang mga pagkukulang at bumawi man lamang sa mga Pilipino — sa pamamagitan ng paglalahad ng kanyang direktang nalalaman nang walang sinino o pinangilagan — kasabay ang pangakong ibabalik niya ang lahat ng kanyang nakuha mula sa kaban ng bayan.
Kaya’t hayaan ninyong magbigay-pugay tayo sa tila pagbabalik-loob nitong si Bernardo, na buong tapang na ibinuyangyang ang mga detalye ng diumano’y pagtataksil ng mga nasa posisyon sa gobyerno, kung saan hindi nakaligtas ang mga kasalukuyan at dating senador.
Hindi madali ang ginawang paglalantad ni Bernardo, ngunit kanya pa rin itong piniling gawin. Kaya’t karapat-dapat siyang tumanggap ng sinserong tapik sa balikat at mainit na suporta mula sa masang Pilipino.
Habang sinusulat natin ang piyesang ito ay naghain na si Bernardo ng kanyang aplikasyon para maging state witness. Nawa’y pagbigyan ang kanyang hiling upang patuloy pang mabuksan ang gabundok na mga diumano’y panlilinlang sa taumbayan ng mga halang ang kaluluwa at ganid sa salapi.
Sino nga ba naman ang makapagbubukas ng nakakandadong baul ng mga itinatagong krimen kundi ang isa rin sa mga salarin?
***
Samantala, malakas na mensahe ang ipinailanlang ng Iglesia ni Cristo sa tatlong araw nitong pagtitipon para sa transparency at accountability, kung saan daan-daang libo nitong mga miyembro ang nakilahok at nakiisa.
Gaya ng ating naisulat na sa espasyong ito, sabi ng INC, bakit nga ba naman itong Independent Commission on Infrastructure ay nagsarado ng kanilang pinto sa mga pagdinig ukol sa korupsiyon na tila nais nilang sila-sila lamang ang magkabusisian, sa halip na makibusisi ang taumbayan.
Bihira itong ginagawa ng nasabing relihiyosong sekta, na nagpapahiwatig na hindi na ordinaryo ang pinagdaraanan ng mga Pilipino sa kamay ng pamahalaan.
Kasabay nito, ayun at napilitan kaagad na maghain ng kanilang pagbibitiw sa puwesto sina Executive Secretary Lucas Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman, kaugnay ng pagdawit sa kanila ni dating Rep. Zaldy Co, sa gitna ng mga pagtitipong isinagawa ng INC.
***
Matindi ang mga akusasyon ni Zaldy Co sa Pangulo — bagay na dapat niyang mariing sagutin upang mabatid na direkta ng taumbayan ang kanyang saloobin ukol dito. Hinihintay ng ating mga kababayan si Pangulong Marcos, Jr. na mangusap sa atin ng diretsahan. Nais natin siyang marinig.
***
Samantala, para naman maibsan ang nakakasulasok na mga pangyayari sa ating kamalayan, hayaan ninyong magkuwento ako ng nakagaganyak at positibong aspeto.
Kamakailan ay dumalo tayo sa limang araw na workshop diyan sa Clark Freeport Zone. Sinamantala natin ang pagkakataon para mamasyal na rin. Nakakamangha ang ganda ng lugar, kaya’t inirerekomenda natin itong pasyalan ng ating mga kababayan lalo na ngayong darating na Disyembre.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments