top of page

Makipagtulungan para mapaigting ang bakuna

  • BULGAR
  • Jun 20, 2021
  • 2 min read

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | June 20, 2021


Napanood natin ang ilang video ng mga nagwawalang pasahero sa mga pampasaherong eroplano sa Amerika dahil ayaw nilang magsuot ng facemask habang nasa loob ng eroplano. Nagiging mas tensiyunado pa ngayon dahil may mga pasaherong ayaw nang sumunod dahil bakunado na umano sila.


Hindi natin malalaman kung totoo ang kanilang mga sinasabi dahil wala pa namang tinatawag na “vaccine passports” sa Amerika. May mga okasyon na dahil masyadong bayolente na ang tinutukoy na pasahero, kailangang ilihis ang lipad at ilapag sa pinakamalapit na paliparan para mahuli ang pasahero. May okasyong hinihingi ng piloto ang tulong ng ilang pasahero para pigilan ang ibang nanggugulo para maposasan o matali pansamantala.


Kailangan pa rin magsuot ng facemask kapag lumilipad kahit bakunado na o kahit marami na rin ang nababakunahan. Pero alam naman nating karamihan sa mga Amerikano — karapatan at kalayaan ang palaging dahilan kung bakit ayaw sumunod.


Samantala, sa ‘Pinas ay wala pa naman tayong nababalitaang nagwawalang pasahero sa eroplano dahil ayaw magsuot ng facemask. Hangga’t hindi nakakamit ang herd immunity sa buong mundo ay hindi tayo tunay na magiging ligtas. Ngayon pa lang, may bagong variant na muling lumalabas.


Sa Pilipinas, 4.63% ng populasyon ang nakatanggap na ng first dose ng bakuna noong June.

Gayundin, kahit nababalitaan natin ang milyun-milyong bakuna na ang dumating o parating, mukhang ang pagbigay-bakuna ang isyu na naman ngayon.


May LGUs na umaangal na hindi sila nakatatanggap ng bakuna. Ang nais ng gobyerno ay mabigyan na muna ang mga lugar sa labas ng NCR Plus kung saan dumarami ang positibong kaso. Ito ang bagong problema ng gobyerno ngayon.


At huwag nating kalimutan ang porsiyento ng populasyon na ayaw pa rin magpabakuna dahil sa sari-saring dahilan, karamihan ay dahil sa maling impormasyon. Malinaw ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte, magpabakuna o mamatay — wala na sigurong lilinaw pa riyan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page