Makabuluhang pagdiriwang ng Mahal na Araw para sa mga Pilipino
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 31, 2021
Ngayong Semana Santa, ginugunita natin ang dakilang pag-ibig ng Poong Maykapal nang inalay Niya ang Kanyang Anak na si Hesus para sa ating kaligtasan. Magandang panahon ito upang pagnilayan natin ang tunay na diwa ng Mahal na Araw — ang ginawang pagmamalasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo. Hayaan natin itong magbigay ng lakas at pag-asa sa ating lahat, lalo na ngayong may kinahaharap tayong pandemya.
Hangad nating gamitin ang panahong ito upang pagbutihin ang ating ugnayan at pagtibayin ang ating pananampalataya sa Diyos para mapagtagumpayan ang iba’t ibang pagsubok sa ating buhay. Habang tayo ay nagpapahinga, alalahanin din natin ang sakripisyo ng ating mga frontline medical workers na nagbuwis at nagbubuwis ng kanilang buhay upang labanan ang COVID-19. Dahil sa mga sakripisyo nila, naging ligtas tayo sa gitna ng pandemya.
Suklian natin ang kanilang dakilang pag-aalay ng buhay at sakripisyo sa kabila ng panganib sa pamamagitan ng pagsunod natin sa mga itinakdang patakaran.
Kaya huwag tayo maging kampante at sumunod tayo sa mga health and safety protocols na ipinatutupad ng pamahalaan. Ang inyong kooperasyon ay pagkilala at pagmamalasakit sa sakripisyo ng mga frontliners. Ito rin ay makapagliligtas ng buhay ng kapwa nating Pilipino.
Magsuot tayo ng facemask at face shield, mag-social distancing, maghugas ng mga kamay at panatilihing malinis ang ating katawan at kung hindi kinakailangan ay huwag muna tayong lumabas ng bahay para maiwasan ang pagkahawa at pagkalat ng sakit.
Kagabi ay inaprubahan ng Pangulo ang iminungkahi nating ayudahan ang mahihirap na indibidwal na apektado ng umiiral na ECQ sa NCR plus.
Dahil dito, higit kumulang 22.9 milyong mahihirap na katao na bumubuo ng 80 porsiyento ng populasyon ng NCR at mga probinsiya ng Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna na naka-ECQ ngayon ang mabibigyan ng ayuda.
Ginagawa natin ang lahat sa abot ng ating makakaya para walang magutom. Habang pinipilit natin silang manatili sa kanilang pamamahay upang maitigil ang hawahan ng sakit, sinisigurado rin dapat natin na mayroong laman ang kanilang mga tiyan at may tulong tayong maiaabot sa kanila.
Bilisan ang pagbigay ng ayuda para makarating agad ang tulong ng gobyerno sa mga dapat makatanggap nito. Sa tulong din ng mga LGUs, dapat mailatag na ang proseso kung paano ito maipapamahagi sa bawat kwalipikadong indibidwal sa paraang maayos, mabilis, at walang bahid ng pulitika o korupsiyon.
Kaunting tiis lang. Ginagawa ng gobyerno ang lahat para mapagaan ang hirap na pinapasan ng buong sambayanan. Magbayanihan tayo para malampasan ang mga pagsubok na ito.
Hangga’t tayo ay nagsama-sama at nagkakaisa, walang pagsubok ang hahadlang sa ating mga Pilipino para tayo ay muling bumangon. Huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil lilipas din ang pagsubok na ito at unti-unti tayong babalik sa normal natin na pamumuhay.
Higit sa lahat, magsilbi sanang oportunidad ang Semana Santa upang makapagpahinga tayong lahat at pagnilayan ang kahalagahan ng buhay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Gamitin natin ang panahong ito upang bigyan ng sapat na atensiyon ang ating mga pamilya na patuloy na sumusuporta at nagmamahal sa atin.
Habang nagpapasalamat tayo sa ating mga biyayang natanggap, sana ay magsilbi rin tayong biyaya para sa ating kapwa dahil minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung anumang kabutihan na piwede natin gawin ay gawin na natin ngayon. Huwag natin ipagkait sa mga kababayan natin ang anumang tulong na puwede nating maibigay sa kanila.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments