Maituturing na temporary ang enrollment status ng estudyante kapag walang report card
- BULGAR
- Sep 28, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 28, 2021
Dear Chief Acosta,
Ako ay may Grade 4 na anak na sa kasalukuyan ay nag-aaral sa pampublikong eskuwelahan. Noong nakaraang taon ay sa pribadong eskuwelahan siya nag-aral, ngunit dahil sa kahirapan ng buhay ay napilitan akong ilipat siya ng mapapasukan. May utang pa kami sa dati niyang eskuwelahan, dahilan upang hindi ibigay ang kanyang report card. Sa kabutihang-palad ay tinanggap kami sa bagong paaralan, matapos kong magbigay ng Affidavit of Undertaking, at mangako na isusumite ko ang kulang niyang rekisito sa oras na makuha ko ito. Ang grado ng aking anak ay matataas, at nag-qualify sa rating na itinalaga ng bago niyang eskuwelahan upang mapabilang siya sa academic honors list. Subalit, sinabihan ako ng kanilang pamunuan na hindi mabibigyan ng nasabing parangal ang aking anak kahit naabot niya ang kinakailangang grado, sapagkat hindi ko pa naisusumite ang kanyang report card mula sa dati niyang eskuwelahan. Maaari ba iyon? – Bryan
Dear Bryan,
Ang mga panuntunan na sumasaklaw tungkol sa inyong katanungan ay ang Department of Education Order 03, Series of 2018 o ang Basic Education Enrollment Policy. Nakasaad dito na:
“C. Temporary Enrollment
Transferees from public and private schools in the Philippines who failed to submit the SF 9 (formerly Form 138) during early registration or upon enrollment shall only be temporarily enrolled until the submission of required documents on or before August 31st of the current school year. They shall be required to submit an Affidavit of Undertaking, provided as Annex 3, signed by the parent/guardian in order to be temporarily enrolled.
xxx xxx xxx
“Upon complete submission of the documentary requirements, the learner shall be tagged as officially enrolled in the LIS [Learner Information System]. Otherwise, the learner retains the status of temporarily enrolled; the learner cannot be officially promoted to a higher level, and the learner cannot officially graduate from the school. The learner will not be recognized should he/she attain the qualifying average and other criteria for academic honors, and the receiving school shall not release official documents such as SF 9, SF 10, Certificate of Completion, Diploma, etc.” (Binigyang-diin)
Alinsunod sa nabanggit na panuntunan, maituturing na temporary o pansamantala lamang ang enrollment status ng inyong anak sa bagong paaralan na tumanggap sa kanya. Ito ay sa kadahilanang may kulang na rekisito ang inyong anak, partikular na ang kanyang Report Card (SF9). Sa inyong pagsumite ng Affidavit of Undertaking, inaako ninyo ang responsibilidad na ibigay sa kanyang paaralan ang mga kulang na rekisito, upang maging ganap ang kaniyang enrollment status. Malinaw din na nakasaad sa nasabing panuntunan na ang mag-aaral na may estado na “temporarily enrolled” ay hindi kikilalanin, kung siya man ay magkuwalipika sa pamantayan ng eskuwelahan upang magawaran ng academic honors.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Pwede PO bang mag endroll kahit wala pa kaming card and 137 at birth po