top of page

Mahihirap na pamilya, samantalahin ang diskuwento sa water rate

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | September 19, 2025



Boses by Ryan Sison


Dahil isa sa mga pangunahing pangangailangan ang tubig, malaking ginhawa kung abot-kaya ang bayarin dito, lalo na para sa mahihirap na pamilyang araw-araw nagsasakripisyo maitawid lang ang mga gastusin. 


Kaya naman makabuluhan ang hakbang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hikayatin ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na magparehistro sa Enhanced Lifeline Program (ELP) ng Maynilad at Manila Water. Habang papalapit ang Kapaskuhan ay tiyak naman ang pagtaas ng rate sa konsumo ng kuryente at tubig, malaking ginhawa at bawas-pasanin ito sa mga mamamayan na sumasakit ang ulo sa matinding gastusin at bayarin. 


Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, ang ELP ay nakalaan sa mga mabababang kita ng isang kabahayan at nabibilang sa 4Ps na kumokonsumo ng hanggang 10 cubic meters kada buwan. Upang makakuha ng discount, kailangan lamang magpakita ng 4Ps ID, isang valid government ID na may pirma at address, kumpletong application form, at pinakahuling proof of billing sa alinmang helpdesk o business area office ng Maynilad o Manila Water. 


Hindi lamang limitado sa 4Ps ang nasabing programa. Maging ang mga nasa ilalim ng poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay maaari ring mag-apply basta’t may sertipikasyon mula sa kanilang Local Social Welfare and Development Office (LSWDO). Isang mahalagang hakbang ito dahil nagpapakita na ang ELP ay may malawak na saklaw at layunin, na kaya nitong abutin hindi lamang ang mga nasa programang 4Ps kundi lahat ng tunay na nangangailangan. 


Matatandaang inilunsad ang 4Ps noong 2008 at kalaunan ay naisabatas sa ilalim ng Republic Act No. 11310. Layunin nitong labanan ang kahirapan sa pamamagitan ng pamumuhunan sa kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga kabataang mula sa mahihirap na pamilya. 


Ang pagbubukas ng lifeline rate para sa tubig ay tila karugtong ng parehong prinsipyo, ang mabawasan ang pasanin sa araw-araw upang hindi matali ang pamilya sa hirap ng buhay at magkaroon sila ng pagkakataong makaahon. 


Kung tutuusin, tama lang na palawakin ang ganitong uri ng programa. Sa panahon na halos lahat ay tumataas — pamasahe, bilihin, pagkain, at utilities — mga simpleng hakbang tulad ng diskuwento sa rate sa tubig ay malaking tulong sa maraming pamilya. 


Ang tubig ay isa sa mga pinagkukunan ng magandang kalusugan at kabuhayan. Kung masisiguro na abot-kaya ito, mas mapapalakas natin ang kakayahan ng bawat Pinoy na mamuhay sa mas maayos na antas. 


Ang ELP ay hakbang tungo sa mas makatarungan at makataong lipunan, kung saan kahit ang pinakamahihirap ay may kasiguruhan na ng malinis na tubig sa kanilang hapag at tahanan.


Hiling lang natin sa kinauukulan na magkaroon pa ng mga programang totoong may pakinabang sa taumbayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page