top of page

Mahalaga ang kapwa respeto sa pagitan ng employer at kasambahay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 31, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 31, 2020



Dear Chief Acosta,


Ang pinsan ko ay nagtatrabaho bilang kasambahay. Nais na niyang umalis sa kanyang pinapasukan dahil madalas diumano siyang sigawan at pagsabihan ng masasakit na salita ng kanyang amo, tulad ng “engot.” Noong una ay tinitiis niya dahil mataas diumano magpasahod ang kanyang amo at wala naman ibang nakaririnig tuwing pinagagalitan siya. Ngunit hindi na niya matiis, kaya’t iniisip na niyang umuwi na lamang sa aming probinsiya sa lalong madaling panahon at maghahanap na lamang ng ibang mapapasukan. Maaari ba iyon? – Alisa


Dear Alisa,


Bagama’t mayroong latitude ang mga employer na pagsabihan at/o pangaralan ang kanilang mga manggagawa kung ito ay mayroong kaugnayan sa kanyang trabaho o paraan ng paninilbihan, hindi maaaring lumabis ang mga employer at umabot sa punto na mapanghamak na sa pagkatao ng manggagawa, kabilang na rito ang mga kasambahay tulad ng inyong pinsan.


Malinaw na nakasaad sa Seksiyon 5 ng Republic Act No. 10361, o mas kilala bilang “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay” ang sumusunod:


“Section 5. Standard of Treatment. – The employer or any member of the household shall not subject a domestic worker or "kasambahay" to any kind of abuse nor inflict any form of physical violence or harassment or any act tending to degrade the dignity of a domestic worker.”

Kung kaya’t hindi mabibigyang-katwiran ng anumang taas ng pasahod ng amo ang maling asal nito sa kanyang manggagawa. Nais naming bigyang-diin na hindi kinakailangan magtiis ng manggagawa na manilbihan sa kanyang amo kung nagiging mapang-abuso na ang asal ng kanyang amo sa kanya. Bagama’t hindi maikakaila na mayroong pangangailangang pinansiyal ang bawat isa sa atin, subalit kung makasasama ito sa kanyang emosyunal o sikolohikal na aspeto ay maaari siyang magbitiw. Sa katunayan, pinapayagan sa ilalim ng ating batas na tapusin ng manggagawa ang kanyang kasunduan ng paninilbihan kung mayroon siyang natatanggap na berbal o emosyunal na pang-aabuso mula sa kanyang amo:


“Section 33. Termination Initiated by the Domestic Worker. – The domestic worker may terminate the employment relationship at any time before the expiration of the contract for any of the following causes:
a. Verbal or emotional abuse of the domestic worker by the employer or any member of the household; x x x” (id)

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page