Mahal na Araw, pati isda, mahal din!
- BULGAR

- Apr 5, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 5, 2025

Kapag sumasapit ang Mahal na Araw, hindi lang pananampalataya ang pinag-uusapan, pati na rin ang pagbabago sa ating pang-araw-araw na gastusin.
Isa sa mga inaasahang usapin dito ay ang pagtaas ng isda, na ayon sa Department of Agriculture (DA) ay maaaring lumobo ng 15 hanggang 30 porsiyento. Pero bakit nga ba tuwing panahong ito ay nagiging mas mahal ang isda sa mga palengke? Ano ang epekto nito sa mga konsyumer, lalo na sa mga Pilipinong mahigpit na sumusunod sa tradisyon ng hindi pagkain ng mga karne tuwing Semana Santa?
Ayon sa DA, ang pagtaas ng presyo ng isda ay natural na reaksyon ng merkado sa pabagu-bagong demand. Dahil marami ang umiiwas sa karne bilang bahagi ng kanilang paniniwala at paggunita sa Mahal na Araw, tumataas ang pangangailangan sa mga alternatibong pagkain gaya ng isda at iba pang lamang-dagat.
Batay sa projection ng kagawaran, sapat ang supply ng isda upang matugunan ang biglang paglobo ng demand na inaasahang magsisimula sa Abril 14.
Sa kasalukuyan, may mataas na supply ng galunggong, bangus, tilapia, Indian mackerel, sardinas, at yellowfin tuna, pusit, hipon at iba pang seafood, marahil ito ang madalas bilhin tuwing Holy Week.
Ngunit kahit may sapat na supply, hindi pa rin maiiwasan ang pagtaas ng presyo, lalo na’t may ibang rason na maaaring magdulot ng price increase, kabilang ang transportasyon, presyo ng gasolina, at pati na rin ang ilang negosyanteng sinasamantala ang mataas na demand upang magpatong ng mas malaking tubo.
Kaya naman nangako ang DA na babantayan nila ang supply at ang tamang presyo ng mga panindang isda at lamang dagat sa mga pamilihan ngayong Mahal na Araw.
Sa huli, mahalagang maging wais at mapanuri sa pag-budget ng pagkain. Para sa konsyumer, mas mainam na mamili nang maaga bago pa sumipa ang presyo ng isda sa merkado, sa ganitong paraan ay makakatipid tayo.
Hindi kailangang gumastos nang malaki upang sumunod sa tradisyon, ang tamang diskarte at maagang paghahanda ang susi sa isang praktikal at makabuluhang Semana Santa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments