Magtiwala sa bakuna para nalampasan ang pandemya
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 14, 2021
Sa ating pag-iikot sa buong bansa, kapag nagtatanong tayo kung sino ang gustong magpabakuna, mas marami na ang nagtataas ng kanilang kamay. Ibig sabihin, mas marami na ang naniniwala sa bakuna bilang susi upang malampasan ang krisis na ating hinaharap. Ito rin ang lumabas sa survey kamakailan lamang. Patunay ito na patuloy na lumalakas ang ating laban kontra COVID-19 at ramdam na ng ating mga kababayan ang mga ginagawang hakbang ng ating gobyerno.
Habang dumarami ang bilang ng mga nababakunahan, unti-unti at maingat nating niluluwagan ang ilang restrictions tulad ng travel requirements para sa mga nakumpleto na ang kanilang bakuna.
Kailangan nating hanapan ng tamang balanse ang ating kalusugan at ekonomiya upang mapabilis ang ating paggaling at pagbangon bilang nagkakaisang bansa.
Gusto nating bigyang-diin na ang desisyong ito ng pamahalaan ay nakabase sa tinatawag nating good science. Bawat araw ay pinag-uusapan at pinag-aaralan ng mga eksperto upang makaabot tayo sa desisyon na makabubuti sa lahat.
Isang halimbawa ay ang pagpayag ng IATF-EID sa mga LGUs na i-require na lamang na ipakita ang COVID-19 vaccination card sa halip na RT-PCR Test para sa interzonal travel.
Kung gusto nating makalabas nang mas maayos, kung gusto nating makabiyahe, pakiusap natin na magpabakuna na at kumpletuhin doses. Dalawang saksak lang ito, kumpara sa mas masakit na swab test, at higit pa sa lahat, sa sakit at kumplikasyon na dulot ng COVID-19. Ngayon na bakunado na kayo, mas makabibiyahe na kayo.
Ngunit habang unti-unti nating niluluwagan ang health protocols, iginigiit natin na nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan at kalusugan ng bawat mamamayan. Kaya, tulad ng sinasabi natin palagi, sumunod at makipagtulungan tayo sa mga awtoridad.
Ikinatutuwa rin natin ang ibinabalita na inilunsad na sa publiko ang bagong One Hospital Command Center sa Philippine International Convention Center sa Pasay City. Nitong Lunes, Hulyo 12, 2021, dumalo tayo at iba pang opisyal para sa inagurasyon ng bagong OHCC na ito. Ang OHCC ay kinikilala na ngayon bilang National Patient Navigation and Referral Center.
Ang inisyatibong ito ay handang umalalay sa ating mga pasyente para malaman nila kung saan bang ospital ang may bakante pang kama. Dahil dito, hindi na nila kailangan maghintay sa labas ng ospital dahil naging maayos po ang referral ng mga pasyente.
Ayaw nating ipinapasa at pinapahirapan ang mga pasyente. Gamit ang teknolohiya, mas mabilis na ngayon ang referral para sa mga nangangailangan ng serbisyong-medikal. Mapuno man ang mga ospital, mabilis pa rin ang pagbibigay-serbisyo dahil alam na nila kung saan pupunta.
Kahit ang World Health Organization mismo ay nagsabi na mahalaga ang OHCC sa pagre-refer ng mga pasyente, lalo na sa panahon ng pandemya. We are doing a “good job” ‘ika nga rin ng WHO base sa ating kakayahan at kapasidad bilang isang middle-income country.
Pinag-aaralan natin ang lahat ng posibleng paraan na maaaring makapagpabilis sa daloy ng serbisyo at makatulong sa ating mga kababayan. Para naman sa amin ni Pangulong Duterte, basta kapakanan ng mga mahihirap, lalo na ‘yung mga walang matakbuhan, ipaglalaban namin 'yan hanggang sa huli.
Palaging ipinapaalala ng pangulo: Just do what is right at unahin mo ang kapakanan ng iyong kapwa at hinding-hindi ka magkakamali. Mamaya na tayo magmalaki pag tapos na itong krisis.
Ang importante ngayon ay kung paano natin mapagagaan ang buhay ng bawat Pilipino. Sa mga bumabatikos, magtulungan na lang tayo kaysa magsisihan at maghanap ng butas.
Mahigit isang taon na rin nating nilalabanan ang COVID-19. Marami na tayong pagsubok na nalampasan at marami pa tayong haharapin. Ngunit, tinitiyak natin, serbisyo, tiwala sa siyensiya at pananampalataya, tayo ay magwawagi sa mga hamong ito.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments