top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Magpabakuna na bago pa mahuli ang lahat

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 22, 2021
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 22, 2021



Nagsisimula na sa maraming bahagi ng bansa ang pagbibigay ng booster shot o third dose sa mga frontliner at health workers upang mapanatili umano ang bisa at magkaroon ng karagdagang proteksiyon laban sa COVID-19.


Sila ‘yung ating mga kababayang bakunado na dahil sumunod sa utos ng pamahalaan at maituturing na bayani sa panahong ito ng pandemya dahil nakiisa sila na mapabilis ang paghupa nang palaganap ng virus na ngayon ay unti-unti nang nararamdaman ng bansa ang positibong epekto.


Inaasahang sa pagpasok ng susunod na taon ay sisimulan naman ang pagtuturok ng booster shots sa marami nating kababayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang na ang malalayong bayan sa mga lalawigan.


Tulad ng unang isinagawang paghikayat ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa ating mga kabababayan na magpaturok ng bakuna ay muli nilang kinukumbinse ang mga bakunado na muling magpaturok para sa booster shot.


Kung paano nila isinagawa ang unang pagtuturok ng bakuna ay muling nakikiusap ang IATF-EID na magpaturok ng kahit anong brand ng bakuna na available basta puwedeng maging booster shot dahil tila tumaas naman ang bilang ng mga kababayan nating namimili ng brand.


Ayon sa Department of Health (DOH), inirerekomenda nila ang heterologous o mixed booster vaccination habang ang mga manufacturer ng bakuna ay iniindorso naman ang homologous o magkatulad na brand ng bakuna.


Dahil nga sa mas dumami na ang mga kababayan nating namimili ng brand ay nagsisimula nang manawagan ang pamahalaan na kahit anong klaseng bakuna na available ay mabisa laban sa COVID-19 maging ito ay binili o donasyon ng ibang bansa sa ating gobyerno.


Base sa real-world data, lahat ng bakunang itinurok sa ating mga kababayan ay epektibo at pare-parehong umaabot ng mahigit sa walumpong porsiyento ang ibinibigay nitong proteksiyon para hindi mahawa ng grabe sa COVID-19 at maiwasang madala pa sa pagamutan.


Sa isang public advisory na inilabas ng DOH ay inirerekomenda nila ang mga brand ng Pfizer, Moderna at Sinovac para sa booster shot na sinisimulan na ngayong iturok sa mga frontliner at health workers, partikular ang mga nasa Metro Manila.


Inaasahan na ngayong linggo ay sisimulan na rin ng National Vaccine Operations Center ang pagsasagawa ng booster vaccination sa mga senior citizen at persons with comorbidities upang magtuluy-tuloy na ang pagbabalik sigla ng kabuhayan sa bansa.


Inaprubahan na rin ng Food and Drug Administration (FDA) ang inamyendahang emergency use authorization na ibinigay para sa COVID-19 vaccines na maaaring gamitin para iturok na booster shots o karagdagang doses.


Ayon sa FDA, ang AstraZeneca, Pfizer at Sinovac ay maaaring gamiting homologous vaccine o kaparehong klase ng bakuna para sa third shot makaraan ang anim na buwan matapos na makumpleto ang unang dalawang turok ng kahalintulad na brand ng bakuna.


Samantala, ang single-dose na Sputnik Light ay maaari naman iturok na booster shot o karagdagang dose sa kahit anong klaseng brand ng bakuna na una at kumpletong naiturok sa isang indibidwal na sinasang-ayunan naman ng DOH.


Alam n’yo ba na nitong nakaraang Nobyembre 19, 2021 ay nasa 111,591,858 na ang populasyon ng bansa at humigit-kumulang ay nasa 30.8 milyong Pilipino pa lamang ang fully vaccinated dahil sa iba’t ibang problemang kinakaharap.


Nagkaroon man ng problema sa supply ng bakuna ay unti-unti na itong natutugunan, ngunit ang hindi mabigyan ng tamang solusyon kung paano dapat itrato ang mga kababayan nating ayaw talagang magpabakuna.


Kung hindi inabot ng kampanya para sa papalapit na halalan ay posibleng nakapaglabas na ng mas mahigpit na panuntunan ang pamahalaan hinggil sa mga ayaw magpabakuna dahil para silang natutulog na apoy sa isang naapulang sunog na posibleng maglagablab muli sakaling mahipan ng hangin.


Walang kandidato ang magbibigay sa ngayon ng hindi paborableng pananalita para sa mga ayaw magpabakuna dahil kawalan ito sa kanilang boto at hindi man nila intensiyong ipahamak ang mga ito ay hindi talaga nila mailahad ang tunay na mabuting dulot ng bakuna para sa mga tutol dito.


Hindi ba’t lumutang na ang ‘no vaccine, no entry’, ‘no vaccine, no salary’, ‘no vaccine, no work’ at marami pang nais ipagbawal ang mga pribado at ilang ahensiya ng pamahalaan sa mga taong hindi bakunado, ngunit dahil panahon ng kampanya ay hirap itong maipatupad.


Dahil dito ay tila mas tumibay ang paninidigan ng pinagmamalasakitan nating mga kababayan na ayaw talaga magpabakuna dahil mismong ang mga kandidato pa ang nagtatanggol sa kanila at sa kanilang karapatan bilang isang indibidwal.


Pero bilang halal na opisyal, walang pulitika dahil hindi naman tayk kandidato, hindi natin sinisisi ang mga hindi pa naliliwanagan hinggil sa mabuting dulot ng bakuna, ngunit hinihikayat natin silang magpabakuna para sa kanilang kaligtasan.


Huwag nating hintaying mahawa natin ang mahal natin sa buhay at tayo pa ang maging dahilan ng kanilang kamatayan at kaya patuloy ang ating pakiusap dahil mahal kayo ng inyong mga kaanak at kaibigan na ayaw ding mawala kayo sa mundong ito dahil lamang sa maling paniniwala.


Alalahanin nating palaging nasa huli ang pagsisisi at ayaw nating maranasan pa ito ng mga kababayan nating ayaw pang magpabakuna.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page