‘Magnanakaw’ sa gobyerno, dapat parusahan
- BULGAR

- Apr 4, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 4, 2025

Kapag naririnig natin ang salitang “magnanakaw” agad nating naiisip ang mga kriminal na snatcher sa kalsada o magnanakaw sa mga bahay. Pero ang nakakalungkot, pati sa mga ahensya ng gobyerno na inaasahan nating magsilbi ng tapat, may mga magnanakaw din pala.
Ang ganitong klaseng usapin ay hindi lang simpleng krimen, isa itong paglabag sa tiwala ng taumbayan, at pagsira ng integridad sa institusyong itinayo para magsilbi sa bayan. Bakit ba kailangang umabot sa ganito? Paano ang taumbayan na umaasa sa gobyerno para sa mga serbisyong dapat nilang matanggap?
Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay nahaharap ngayon sa malaking isyu matapos madiskubre ang isang payroll theft scheme. Ang mga personnel mula sa Payroll Division ng kagawaran ay nakitang nagmaniobra ng computerized payroll system para magnakaw umano ng maliit na halaga mula sa sahod ng ibang empleyado at ilipat ito sa kanilang mga account.
Bagama’t ito ay tila maliit na halaga lang, kung iisipin, paulit-ulit itong nangyayari at nagiging malaking halaga sa kabuuan. Ito’y isang malinaw na pang-aabuso sa tiwala ng taumbayan at isang paglabag sa mga prinsipyong dapat pinangangalagaan sa isang ahensya ng gobyerno.
Kung sa ordinaryong tao, mahirap panindigan ang pagkakaroon ng ganitong uri ng pagnanakaw, paano pa kaya ang mga nasa gobyerno na pinili para magsilbi sa kapwa?
Ayon sa MMDA, agad nilang isinagawa ang imbestigasyon at inaresto ang mga suspek. Pinangunahan ito ni MMDA Chairman Romando Artes at General Manager Procopio Lipana, na hindi nag-atubiling magsampa ng mga non-bailable charges laban sa mga empleyadong sangkot.
Tiniyak pa ng kagawaran na magsasagawa sila ng internal audit upang maiwasan na muling mangyari ito sa hinaharap. Sa ganitong insidente mahalaga ang transparency at accountability sa bawat hakbang ng gobyerno upang mapanatili ang tiwala ng mga mamamayan.
At kung mapatunayan naman ang pagkakasala, dapat lang sigurong parusahan ang mga sangkot sa naturang pagnanakaw.
Sa huli, ang bawat aksyon na may kinalaman sa pagpapabaya o pang-aabuso sa tiwala ng publiko ay may malalim na epekto sa kredibilidad ng gobyerno. Gayundin, nagpapaalala ito sa atin kung gaano kahalaga ang pagiging tapat at responsable ng mga nasa posisyon at kapangyarihan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments