Magkano ang legit na discount sa toll fee ng PWD?
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 21, 2022
Dear Chief Acosta,
Bilang Person with Disability (PWD), puwede ba akong manghingi ng discount para sa pagbabayad ng toll fee? Sa akin ang sasakyan, ngunit hindi ako ang nagmamaneho nito. - Catie
Dear Catie,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 6.6 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (R. A.) No. 9442 o mas kilala sa tawag na Magna Carta for Persons with Disability as Amended, kung saan nakasaad na:
“6.6 Land Transportation Privileges – At least twenty percent (20%) discounts in bus fares such as ordinary, aircon fares and on public railways such as LRT, MRT, PNR, and such other similar infrastructure that will be constructed, established and operated by public or private entity. Toll fees of skyways and expressways are likewise subject to at least twenty percent (20%) discounts, however, this privilege can be availed only by a person with disability owning the vehicle.” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit, mayroong karapatan ang ating mga PWD para sa at least 20% discount sa mga toll fees. Subalit, ang PWD na may-ari ng sasakyan ang tanging makagagamit ng pribilehiyong ito. Ibig sabihin, maaari ninyong magamit ang nasabing discount, kung mapatutunayan ninyong kayo ang may-ari ng inyong sasakyan, kahit na hindi kayo ang personal na nagmamaneho nito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments