top of page

Magkano ang kaharian ng Diyos?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 3
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 3, 2025



Fr. Robert Reyes


Kaarawan noong nakaraang Miyerkules ni Jun Ferrer, dating barangay captain ng Barangay Toro, Project 8, Quezon City. 


Namatay si Kap Jun noong Abril 20, 2025. Pumasok siya sa ospital noong Abril 5 at lumaban ng dalawang linggo hanggang nagpasya ang Panginoon na kunin na siya sa pista ng Kanyang Muling Pagkabuhay. 


Inanyayahan tayo ni Konsehal Charm Ferrer, anak ni Kap Jun na magdiwang ng misa para sa kanyang ama sa isa sa dalawang basketball courts ng Barangay Bahay Toro. Dumalo sa misa ang halos 300 na mga dati at kasalukuyang empleyado at volunteers ng barangay. 


Damang-dama ang lungkot at saya ng mga naroroon ng umagang iyon. Oo, patay na si Kap Jun ngunit buhay pa kaya ang kanyang halimbawa, ang mga mabubuting aspeto ng kanyang buhay at pamumuno bilang pulitiko sa isang munting barangay at sa malawak na siyudad ng Quezon City?


Sa simula ng misa, naglagay tayo ng isang bakanteng upuan sa gitna ng basketball court, sa gitna ng magkabilang hanay ng mga nagsisimba. Ipinaliwanag natin sa lahat ang ganito: “Maraming bagay na mahalaga ang hindi natin nakikita. Patay na si Kap Jun.


Hindi natin siya nakikita ngunit patay na ba, wala na ba siya talaga? Kayo, tayong nagmamahal kay Kap Jun ay nadarama ang kanyang buhay, ang kanyang pagiging dito, ang kanyang presensya. Kung mahal mo ang isang tao, nadarama mo siya sa iyong puso, buhay man o patay na siya. Kaya, naririto si Kap Jun dahil siya ay nasa puso ng bawat isa sa atin.”


Nagpatuloy ang pagninilay natin sa buhay ni Kap Jun sa omeliya. At ito ang ibinahagi natin sa mga naroroon: Sa mga nagdaang araw, tungkol sa kaharian ng Diyos ang mga ebanghelyo. Sa araw na ito, inihambing ni Hesus ang kaharian ng Diyos sa dalawang bagay. Una, sabi ni Hesus, “Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng kayamanang malaking halaga na nakabaon sa lupa. Nang matuklasan ito ng isang tao, ibinenta niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang lupa para mapasakanya ang kayamanan. Pangalawa, ang kaharian ng Diyos ay tulad ng isang alahas na napakalaki ng halaga. Nang matagpuan ito ng isang mamimili ng alahas, ibinenta niya lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang alahas.” 


Ano ang naging kayamanan ni Kap Jun, pera ba o kapangyarihan? Magandang itanong, ‘Magkano ba ang kaharian ng Diyos?’ Mabibigyang halaga ba ang isang bagay na hindi masusukat ang halaga? Masusukat ba ang kayamanan ni Kap Jun?


Madaling sukatin ang pera o lupa ngunit merong mga bagay na hindi masusukat. Para kay Kap Jun, kung itatanong natin siya, “Kap Jun, magkano ba ang kaharian ng Diyos?” Tanungin nga natin siya. (At lumapit tayo sa isang bakanteng upuan sa harapan).


Wala siyang sagot (ang isang nakaupo) kundi ang kanyang karaniwang malaking ngiti. At nabasa ko ang sagot sa kanyang ngiti. Ito ang halaga ng kaharian ng Diyos: “Ang tapat na paglilingkod.” Mabuti at malinis na pinuno si Kap Jun. Hindi siya mukhang pera at iniwasan niya ang karaniwan na sa pulitika na gawing hanapbuhay ang paglilingkod. Walang bayad o hindi nababayaran ang tapat na paglilingkod. Malinis at patuloy na naglilinis ang tapat sa paglilingkod. 


Sa katapusan ng misa, muli nating binalikan ang bakanteng upuan sa harapan. Nasabi ko sa kanila na hindi man natin nakikita si Hesus ngunit hindi nangangahulugang wala siya rito, dahil damang-dama natin Siya sa ating mga puso, ang kanyang pagmamahal sa atin at ibibigay natin ang lahat sa Kanya at para sa Kanya. 


Maging ni Kap Jun, hindi man siya nakikita ngunit damang-dama ko ang pagmamahal nila para sa kanya. Dama ko rin ang aking pagmamahal at ang kanyang pagmamahal sa akin at sa inyong lahat. Sa puntong ito, natigilan ako na parang maluluha. Tumingin ako sa lahat at nakita ko ang nangingilid na luha sa maraming mata.


Buhay si Kap Jun dahil buhay ang pulitikang kanyang sinunod. Isinabuhay niya ang pulitika ng tapat na paglilingkod. Dahil sa buhay na alaala ng kanyang tapat na paglilingkod, buhay din at hindi patay ang iniwanan niyang pulitika. 


Naalala natin ang sinabi ng kasalukuyang Pangulo sa kanyang State of the Nation (SONA) noong nakaraang Lunes na, “Mahiya naman kayo!” Ito ang hamon at batikos ng Pangulo sa mga pulitiko na nangurakot sa flood control projects. Natawa’t nagulat na lang tayo na lumabas ang mga salitang ito sa kanyang bibig. 


Napakayaman ng ating bansa ngunit bakit hindi tayo umaangat tulad ng mga bansang kapitbahay natin? Baka tama ang Pangulo na mas maraming “nakakahiyang mga pulitiko dahil…”. 


Mabuti na lang ang mga katulad ni Kap Jun na bagama’t patay na siya, pero dahil sa kanyang tapat na paglilingkod, mananatiling buhay siya at ang pulitikang kanyang isinabuhay. Maraming salamat Kap Jun! 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page