Magkalabang vice-mayor sa Manila… RAYMOND, UMAMING NAGYAKAPAN SILA NI YUL NANG MAGKITA
ni Julie Bonifacio - @Winner | December 20, 2021

Sasabak sa pulitika sa 2022 national elections sa unang pagkakataon ang award-winning actor na si Raymond Bagatsing.
Tatakbo siya bilang vice-mayor ng Maynila sa ilalim ng partidong Kilusang Bagong Lipunan (KBL). Makakalaban niya ang mahusay ding aktor na si Yul Servo na kaalyado ng mayor ng Maynila ngayon na si Isko Moreno.
Si Yul ay kasalukuyang congressman ng Maynila, habang kilala sa larangan ng pulitika ang pamilya ni Raymond, gaya ng kanyang lolo na dating mayor ng lungsod for 15 years na si Ramon Bagatsing.
Kuwento ni Raymond sa grand presscon ng movie entry nila sa December filmfest, ang Nelia, nagkita sila ni Yul sa House of Representatives kamakailan. Doon ay nagkabiruan at nagyakapan pa raw sila. Wala raw personalan sa kanila ni Yul.
Nais ni Raymond na makapaglingkod sa mga taga-Maynila na malapit sa puso ng kanyang pamilya. Ipagpapatuloy daw ni Raymond ang legasiya ng mga Bagatsing sa Maynila. And hopefully, kapag nahalal ay nais niyang tumulong para lalo pang pasiglahin ang Metro Manila Film Festival na matagal ding itinaguyod ng kanyang lolo na si dating Mayor Ramon.
And speaking of MMFF, masaya si Raymond na nakapasok ang pelikula nilang Nelia sa filmfest na magsisimula sa December 25.
Ito ay pinagbibidahan ng beauty queen and soon-to-be-mom na si Winwyn Marquez and produced by A&Q Films Production.
Tinatalakay sa Nelia ang isyu ng mental health.
Para kay Raymond, importante na pagdaanan ng mga tao ang psychological challenges.
“Dito kasi sa Pilipinas, ang tingin ng mga tao, kapag may pinagdaraanan na ganyan, medyo binibigyan ng pangalan. Hindi nakakatulong, ‘di ba? Puwedeng sabihin, ‘O, may ano, baliw,' or parang may ganyan,” sabay ikot ng daliri ni Raymond sa tapat ng kanyang tenga.
Hindi raw ‘yun nakakatulong.
“Kaya 'yung mga tao, hindi lumalabas. Ang kailangan po niyan sa aking pagkakaintindi, ang tao, nakakahinga. Meron tayong compassion, 'di ba? Uh, kailangan, may professional help.
Professional help doesn’t necessarily mean medical. Yes, puwedeng medical, also psychological, kaibigan, pamilya or basta makahinga lang. Para sa akin, ito ay nagpapalalim ng aking pagkatao. Ito ang nagbibigay sa atin ng wisdom.
“Uh, para sa akin, walang saysay ang buhay kung parating masaya tayo. Kasi wala tayong masyadong matututunan kapag masaya tayo.
“Kapag tayo’y nakabangon sa mga pagsubok, sabihin na nating mental challenges rather illnesses, 'yan po ang story ng Nelia,” paglalahad ni Raymond.
Nakakabilib din ang tapang ng producers ng Nelia na naglakas-loob na gumawa ng pelikula sa gitna ng pandemya.
“Actually, what inspired us to do this movie, ang Nelia, hindi po kami nag-isip ng profit. Kasi, kahit sino namang producer wouldn’t take risk na mag-invest sa paggawa ng pelikuka in the midst of pandemic. Kasi, hindi nga namin alam kung kikita o hindi.
“To be honest, 'yun naman talaga ang totoo. Kaya lang, nu’ng time na ginagawa namin ito, naisip namin na uhm, marami na ‘yung nangangailangan. Kung hindi kami mag-i-invest, wala kaming matutulungan. Pare-parehas tayong mawawalan.
“So, I said, sige, saka na natin isipin. Anyway, ang pandemic naman, maaaring mawala. Pero ngayon, ‘yung need ng mga tao na mabibigyan sila ng trabaho, mapunan natin kahit konti, kahit maliit. Saka na natin isipin ‘yung profit.
“Anyway, it will follow naman once you produce a quality film and we know naman, uh, unique ang aming story. And I hope and I pray na maa-appreciate ng audience ito. Sa amin, ang purpose namin when we produce this film is to produce a quality film and at the same time, to provide jobs. ‘Yun po talaga. Kaya very late na rin ito ipinalabas, eh, kasi shinoot ‘to nu’ng March pa,” paliwanag ng isa sa mga producers na si Atty. Melanie Honey Quiño.
Bongga ng A&Q Films Production dahil pinaghahandaan na nila ang possibility to make a sequel ng Nelia at pinipilahan na rin daw ng ilang international distributors para maipalabas sa Amerika at sa iba pang bansa.
Pero sa 'Pinas, showing na ang Nelia sa December 25.





Comments