top of page

Magkakaiba man ang kulay, magkakapatid ang lahat ng Pinoy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 22, 2025



Fr. Robert Reyes


May kani-kanyang tawag ang mga tagasubaybay ng mga istasyon ng radyo at telebisyon. Ang pinakasikat ay: mga Kapuso ng GMA7, Kapamilya ng ABS-CBN. Pati ang mga kilalang newscaster ay may sariling palayaw din tulad ni Kabayan Noli de Castro. 

Pagdating sa pulitika, kulay naman ang gamit: pulahan, dilawan, pinklawan, green, orange, purple, at iba pa. Gayundin ang sitwasyon sa mga simbahan. 


Sa katatapos lang na rally ng ating mga kababayang kasapi ng Iglesia ni Cristo (INC), narinig, napanood at nadama natin ang mga damdamin, kaisipan, paninindigan sampu ng kanilang mga batikos. Maganda ang tawag nila sa kanilang mga kasapi: Kapatid. Tunay namang magkakapatid sila ngunit sa totoo lang, hindi lang sila kundi ang lahat ng Pilipino ay magkakapatid.


Maganda ang merong mga palayaw, bansag, branding, identity, ngunit kailangan nating mag-ingat na mauwi sa pagkakanya-kanya, sa kumpetensiya at sa hindi maayos na paligsahan. 


Noong seminarista pa lamang tayo mahigit 50 taon na ang nakararaan, narinig natin sa kauna-unahang pagkakataon ang salitang ‘tol’. Malulutong na ‘tol’ ang gamit ng mga seminaristang taga-Laguna, Pampanga, Bulacan sa pagtawag at pakikipag-usap sa isa’t isa. Natanong natin minsan ang isang seminaristang taga-Paete, Laguna. “P’re saan ba galing ang salitang ‘tol’.” Tugon niya sa ‘kin, “Ah, madali lang ‘yan sagutin. Galing ‘yan sa ‘utol’ na ang ibig sabihin, kapatid.” 


At ang utol ay galing sa ka-putol dahil may pag-uunawa tayo na ang magkakapatid ay magkaputol ng iisang pusod ng kanilang ina. Kaya kung anak tayo ng iisang Inang Bayan, magkakaputol tayo ng kanyang pusod. Hindi relihiyon o rehiyon ang batayan ng ating ugnayan kundi ang ating pagiging magkaputol sa iisang pusod ni Inang Bayan. Oo, ang lahat ay utol, ang lahat ay maaaring tawaging ‘tol.’


Ang ganda pala ng salitang ‘tol’ kung alam mo ang pinanggalingan. Bagama’t kahawig ito ng salitang kapatid, ka — patid, pinatid mula sa iisang pinanggalingan, hindi pa masyadong gamit, sariwa at puwedeng magamit para muling sariwain ang totoo at malalim na pagkakaugnay ng bawat mamamayan sa iisang Ina, iisang lahi, iisang bansa at iisang Diyos.


Maganda at sana’y totoo ang sinabi ng Malacañang sa nakaraang rally ng INC: “We hear them, we feel them and we will not disappoint them. We will fulfill their call for accountability and transparency.” 


Sa mga kasapi ng INC, naririnig namin kayo, nadarama namin kayo at hindi namin kayo didismayahin. Sana’y hindi lang sa mga kasapi ng INC sabihin ng Malacañang ito, kundi sa lahat at sa bawat Pilipino.


Meron tayong mga kaibigang kasapi ng INC. Meron din akong mga kaibigang Muslim. Marami tayong kaibigang Protestante, ebanghelikal, pati mga Buddhist, Hindi, Sheik at iba pa. 


Sa isang banda, bunga na rin ng masigasig na paglahok sa tinatawag na “inter-religious dialogue” o ang pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan sa mga kasapi ng iba’t ibang pananampalataya. Gayunman, merong pinadadala ang Diyos na mga “kaputol” mula sa iba’t ibang relihiyon, ideolohiya, pulitika at sa mga ibang pananaw, paniniwala at paninindigan. 


Hindi natin pinag-uusapan ang relihiyon sa kanila. Buhay ang madalas nating pag-usapan at kung kinakailangan lang, nauuwi sa relihiyon ang talakayan.


Marahil ito ang puno’t dulo ng problema sa ating bansa. Naputol ang pag-uusap, naputol ang pag-uugnayan ng bawat mamamayan. Sino ang pumuputol ng pag-uusap at ugnayan? Sino ang may hawak ng timon ng komunikasyon, gobyerno lang ba? Sinu-sino pa? Sino ang may hawak ng timon ng pag-uugnayan ng bawat sektor at mamamayan, gobyerno lang ba o meron pang iba?


Noong nakaraang administrasyon, pinutol ang makatotohanan at makahulugang komunikasyon sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng Troll Farms na nagpakalat (hanggang ngayon) ng fake news. Naputol din ang malaya, mapayapa, ligtas at makabuluhang pag-uugnayan kasabay ang pagkakalat ng takot dahil sa dahas. Sunud-sunod ang mga patayan sa ngalan ng programang war on drugs.


Sa darating na mga Linggo, Nobyembre 23 at 30, panawagan ni Cardinal Pablo David na magkaisa ang lahat, ibalik ang naputol na komunikasyon at ugnayan. Muling mag-usap-usap at sama-samang kikilos ang lahat tungo sa malinis at hindi korup, marangal at hindi tiwali, mapayapa at hindi marahas, malaya at hindi inaalila at inaaliping mga mamamayan. Mga kaputol, mga utol, mga tol, iisa ang pinanggalingan natin at iisa ang nais ng Manlilikha na marating natin kasama ang mahal nating Inang Bayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page