top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Magkaisa at magtulungan para malampasan ang pandemya ngayong Bagong Taon

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 6, 2022
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | January 06, 2022



Hangga’t hindi natin tuluyang nalalampasan ang pandemya, ‘wag tayong maging kumpiyansa.


Habang and’yan ang kalabang hindi natin nakikita, ‘wag natin itong hayaan na muling manalasa at dumating sa puntong mahihirapan na naman ang mga healthcare facilities.


Marami na tayong natutunan sa halos dalawang taong pakikipaglaban sa pandemya.


Maraming aral na tayong napulot. Mas nagiging handa na ang healthcare system at tuluy-tuloy naman ang pagdating ng mga bakuna. Sana ay patuloy lang tayong sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols dahil ayaw nating masayang lang ang ating mga sakripisyo sa nagdaang mga taon.


Malayo na ang ating narating sa kampanya laban sa COVID-19. Sa katunayan, as of January 3, meron nang kabuuang 210.63 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang dumating sa bansa.


Merong 109.31 milyong doses naman ang naiturok, kung saan 57.18 milyong Pilipino ang nakatanggap ng kanilang unang dose at merong 50.16 milyon naman ang nakakumpleto na ng required doses. Samantala, merong mahigit 1.96 milyong booster shots ang naibigay na rin sa ating mga kababayan.


Ayon sa mga awtoridad, dumoble ang bilang ng mga tumatawag sa One Hospital Command Center para sa pagpapaospital noong huling linggo ng Disyembre. Nitong Lunes, Enero 3, nakapagtala na ng 4,084 panibagong kaso ang Pilipinas. Ayon sa Department of Health, dahil sa napakabilis na transmission rate nito, posible maging dominanteng variant sa bansa ang Omicron sa loob lamang ng tatlo o apat na linggo.


Kaya umapela tayo sa mga awtoridad na bilisan pa ang pagbabakuna sa lahat ng eligible na sektor, lalo na iyong mga itinuturing na “poorest of the poor”, mabigyan ng kaukulang proteksiyon ang kuwalipikadong mamamayan at tuluyang makabalik na tayo sa normal na pamumuhay oras na makamit natin ang herd immunity.


Ayon sa huling advisory ng DOH, 85% sa mga COVID-19 patients sa mga ospital ng DOH sa Metro Manila na nangangailangan ng intensive care ay hindi pa bakunado. Kaya kung naririyan na sa harapan ang oportunidad, magpabakuna na tayo. Nasa datos naman na kapag bakunado ka, mas maiiwasan ang mga grabeng sintomas at pagkakaospital ng dahil sa COVID-19.


Bukod dito, manatili rin tayo sa ating tahanan kung hindi kinakailangang lumabas. Ugaliin ding sumubaybay sa balita at impormasyong hatid ng ating mga kinauukulan.


Sa kabila ng mga sakripisyo nating lahat, lalo na ng mga medical frontliners, meron pa ring ilang kababayan ang pilit isinusugal ang kapakapan at kaligtasan ng kapwa Pilipino dahil ayaw sumunod sa mandatory quarantine.


Bago magtapos ang taon, nagpahayag tayo ng pagkabahala matapos maiulat na merong Pinay galing ng ibang bansa na tumakas mula sa hotel at pumunta sa bar sa Makati City na dapat sana ay naka-quarantine. Nadagdagan pa ito kamakailan ng isa pang naiulat na isa pang balikbayan na diumano ay hindi rin sumunod sa mandatory quarantine.


Sa dami ng namatay na medical at economic frontliners at sa ilang bilyong pisong nagastos na natin sa pandemic response, nagawa pa nilang unahin ang sarili nilang interes kaysa kapakanan ng kanilang kapwa.


Kung kaya, inuulit natin ang panawagan sa Department of Justice at National Bureau of Investigation na agarang imbestigahan ang mga ito at silipin kung merong sindikatong sangkot dito. Bilang chair ng Senate Committee on Health, hinding-hindi natin ito palalampasin.


Palagi nating alalahanin na hindi kaya ng gobyerno mag-isa ang laban kontra sa pandemya.


Kailangan ang kooperasyon ng bawat isa upang hindi tuluyang lumala ang pagkalat ng Omicron at hindi maging pasanin sa ating frontliners.


Patuloy tayong magkaisa at magtulungan upang tuluyan na nating malampasan ang pandemya bilang mas matatag at nagkakaisang bansa.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page