top of page
BIDA - DENNIS KAY GELLI- SISIHIN MO ‘YUNG NAGSIMULA NG GULO_IG _dennistrillo & _gellidebel

Maging sa sports, maging sa buhay, laging may pag-asa

Writer: BULGAR
BULGAR
16 hours ago
3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 4, 2026



Fr. Robert Reyes


Pista ni Sta. Teresita ng Lisieux noong nakaraang Huwebes, Oktubre 1. Nakilala si Sta. Teresita dahil sa kanyang kakaibang pananaw at daan ng pamumuhay na tinawag ng Simbahan na “Maliit na daan ni Sta. Teresita.” 


Nagkataon din na dumalaw si Papa Leo XIV sa Fransya mula ika-25 hanggang 28 ng Setyembre, 2026. Sa loob ng apat na araw, umikot at nagsalita sa iba’t ibang lugar ang Papa. Tinalakay niya ang mga sumusunod: ang pananampalataya at ang sekularismo (hatak ng mundo); ang katapusan ng buhay, binatikos ng Papa ang pinasang batas hinggil sa eutanasya (ang pagpapasya at paraan ng pagtatapos ng buhay); ang Artificial Intelligence (AI) at ang immigration o pandarayuhan; at ang partikular na sitwasyon ng mga tumatakas sa sariling bansa tungo sa Pransya dahil sa gutom, persekusyon at iba pang dahilan.


Napakaraming kakaibang eksena na itinuturing na bahagi ng “Pope Leo Effect” mula sa paglabas ng humigit-kumulang 700,000 Katoliko na sumalubong kay Papa Leo XIV na matagal nang hindi nangyayari at ang “parada ng mga Santong Pranses” na makikitang suot-suot ng mga kabataan ang damit na nagpapakilala sa Santo o Santang kanilang kinakatawan. Makikita ang tuwa ng Papa sa una at ang luha naman nito sa pangalawa. Tuwa at luha sa paglabas ng mga tao, lalo na ng mga kabataang may hinahanap sa kasalukuyang mundong magulo, marahas at dahop sa pag-asa.


Hindi man nakapupunta si Papa Leo XIV sa ating bansa, umaabot dito ang kanyang kakaibang espiritu, ang pinag-uusapang Pope Leo XIV Effect. Habang nagpapatuloy ang “Impeachment Hearing” laban kay VP Sara Duterte sa Senado, maraming nagaganap na nagbibigay ng kakaibang pananaw at damdamin. Ganun na lang ang pagsunod at pagsuporta ng napakaraming mamamayan kay Alex Eala na nanalo kay  Joanna Garland ng Taipei upang iuwi ang Bronze Medal. At ganoon na lang din ang pagkadismaya ng marami sa pagkatalo ni Alex kay Wang Xiyu ng China na tinuldukan ang pag-asang mapanalunan niya ang ginto sa Asian Games. Malinaw na hindi ito katapusan para kay Alex. Sa kanyang pahayag sa pagkatalo niya kay Wang Xiyu sinabi niya na “ibinigay at ginawa ko ang lahat (I gave my all).” “Mahusay si Wang sa pagbawi nito sa kanyang pagkatalo sa unang set at tinuloy na niya ito hanggang sa manalo. Kailangan kong pagnilayan at pag-aralan ang mga pangyayari.”


Sunud-sunod ang pag-uwi ng mga medalya ng mga atletang Pilipino. Kanya-kanyang ginto sa “gymnastics” ang iniuwi ng magkapatid na Yulo. Nag-uwi rin ng kanyang ginto sa “Pole Vault” si EJ Obiena. Naroroon din ang mga nag-uwi ng “silver” at “bronze.” Kakaibang pagkapanalo ang pagiging santo o santa. Hindi ginto, pilak o tanso. Hindi mga atleta ang karamihan sa mga santo. Isang atletang santo ang hinirang ni Papa Leon XIV noong isang taon. Ito si Pier Giorgio Frassati na mahilig umakyat ng bundok at madalas ihambing ang pagsunod kay Kristo sa pag-akyat sa bundok. Ngunit nakilala si Pier Giorgio sa kanyang matinding pagmamahal sa mga dukha. Araw-araw, gagawan ng paraan ni Pier Giorgio para makatulong siya sa mga nagugutom at nangangailangan. Madalas siyang naglalakad pauwi dahil pinagbibili niya ng pagkain ang kanyang pamasahe para ibigay sa mga nagugutom. 


At ito ang nakita ni Papa Leo XIV sa Pransya: ang napakaraming mga kabataang naghahanap ng magagawang mabuti para sa mundo, sa mga nangangailangan at nahihirapan. Ibang-iba ang mundo ngayon. Kakaibang mukha ng Diyos; ng kabanalan ang kailangan para harapin ang panibagong hamon ng giyera at karahasan ng pagsasara ng pintuan ng mga bansa para sa mga tumatakas at humahanap ng ligtas, mapayapa at makabuluhang buhay; ang maraming nanganganib mawalan ng trabaho dahil sa mabilis na pag-unlad ng Artificial Intelligence na papalit sa “Human Intelligence” para maging “human labour”  na papalit at aagaw sa trabaho at hanapbuhay ng tao.


Nabasa natin ang librong “Spiritual Athlete” noong araw. Inihambing ng manunulat ang paghahanap at pagsunod sa Diyos sa pagiging atleta. Tama siya, dahil kailangan ng atleta at ng santo ang disiplina, sakripisyo, pagkalimot sa sarili, pananalig sa Diyos, kababaang-loob at malalim na pag-asa. Marahil naiisip din natin kung gaano kahirap ang maging Papa; kung anong klaseng lakas, disiplina at pasensya ang kailangan para magampanan niya nang maayos at may galak at kabuluhan ang kanyang misyon. 

Natuwa at naluha si Papa Leon XIV sa Pransya. Nakita’t naramdaman niya na sa kabila ng kadiliman at kasamaan, buhay ang pag-asa ng marami sa isang higit na mapayapa, magalang at mapagmahal na mundo, na siya ring pangarap ng Diyos para sa lahat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page