Maging liwanag tayo sa dilim
- BULGAR
- 4 hours ago
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 13, 2025

May magandang saysay ang mga espesyal na araw pagdating sa pagpapaalala ng kahalagahan ng mga bagay na marahil ay nababalewala dahil ordinaryong bahagi na ng pamumuhay.
Naiisip natin iyan dahil itong darating na Biyernes, Mayo 16, ay ang itinakdang International Day of Light o pandaigdigang araw ng liwanag. Noong 2018 pa lang ito naitatag ng UNESCO, na sinadyang isabay sa anibersaryo ng araw noong 1960 kung kailan naimbento ng Amerikanong inhinyero at pisikong si Theodore Harold Maiman ang laser na teknolohiya.
Layunin para sa taunang okasyong ito na matalakay ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kagamitang nakabatay sa liwanag tungo sa kapayapaan at kaunlaran, lalo na sa larangan ng edukasyon, medisina, siyensya, sining, kultura, komunikasyon at napapanatiling pag-unlad o sustainable development.
Halos lahat ng ating ginagamit sa araw-araw ay hindi gagana kung ’di dahil sa teknolohiyang nakabase sa liwanag. Nariyan siyempre ang iba’t ibang klase ng bumbilya, na sa karaniwang bahay o gusali ay mayroon sa bawat silid at maging sa labas, bukod pa sa mga nakakabit sa mga poste sa lansangan.
Sa modernong panahon ay mayroon ding mga solar panel, na nakaiipon ng enerhiya mula sa sikat ng araw upang makapagbigay ng alternatibo sa pagkonsumo ng kuryente lalo na ng mga pailaw tuwing gabi. ’Di rin natin magagamit ang ating cellphone o telebisyon kung wala ang light-based technology na nakapaloob sa mga ito.
Ang laser mismo ay napakarami ang makabuluhang silbi sa sangkatauhan, sa maliit man o malalaking kaparaanan. Ito, sa isang banda, ang nakapagbibigay ng infrared signal na nakapagpapaandar ng halimbawa’y mga remote control na katambal ng ilan nating mga kasangkapan at maging ng barcode scanner ng mga kahera sa pagtala ng ating dapat bayaran para sa iuuwing bilihin. Ang laser ay may mga gamit din sa sari-saring industriya, kabilang ang eksaktong paghiwa sa mga pabrika at ang ilang uri ng pampagamot na operasyon sa mga ospital. Laser beam naman ang nagpapadaloy ng datos nang matulin sa milya-milyang fiber optic na mga kable na nagpapalawak ng komunikasyon sa buong mundo. Kung wala ito, wala tayong internet at social media.
Mainam ding idagdag sa usaping ito ang kahit maikling pagpupugay sa ating mga kababayan na nakadudulot ng liwanag lalo na sa mga kapuspalad.
Isa rito ay ang dating aktor na si Illac Diaz, na pinalaganap ang paggamit ng solar bulb na naimbento ng Brazilian na mekanikong si Alfredo Moser na gawa lamang sa bote ng plastik na may tubig at bleach. Sa pamamagitan ng kanyang NGO na Liter of Light, si Diaz ay nakapagpailaw na ng kabahayan ng ilang daang libong tao sa Pilipinas at sa ibang bansa na hindi naaabot ng kuryente o naghihikahos sa pambayad para roon.
Nariyan din ang propesor na si Aisa Mejino na nakagawa ng kakaibang lampara na ang tanging pampailaw ay tubig na maasin imbes na uling o petrolyo. Ang kanyang binansagang Sustainable Alternative Lighting o SALT lamp ay makapagbibigay liwanag sa napakaraming nayon sa ating mga isla.
Dahil sa imbensyon niyang iyon ay naimbitahan si Mejino sa isang talakayan sa APEC CEO Summit noong 2015, kung saan kanyang kasama’t kausap ang noo’y pangulo ng Estados Unidos na si Barack Obama at ang tagapagtatag at pinuno ng Tsinong kompanyang Alibaba na si Jack Ma.
Lumalabas na hindi matatawaran ang halaga ng liwanag sa sinumang tao. Tila mahihirapan tayong makaisip ng gawain na uubra kahit walang liwanag.
Magiging malungkutin at bugnutin pa nga tayo kung walang liwanag na ’di lamang makapagpapatanglaw ng ating kinatatayuan kundi makapagpapasigla pa ng ating diwa sa anumang sandali.
Liwanag ang nagtataboy ng dilim na makababagabag at makapipigil ng ating pagkilos at pagsulong. Liwanag din ang nakapagpapagaan ng ating kabuhayan na tiyak ay mabibigatan kung nababalutan ng karimlan na ang kabuntot ay pighati.
Kaya sa araw na ito at kailan pa man, asintaduhing ipagbunyi ang samu’t saring pinanggagalingan at napagkukuhanan ng liwanag at pahalagahan ang kanilang nailalaan upang tayo’y maparikit, mapalakas at maitaguyod sa araw-araw.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Commentaires