top of page

Maging handa at mas maagap sa darating na matitinding kalamidad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 22
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | September 22, 2025



Boses by Ryan Sison


Naging normal na bahagi na ng ating buhay at ng ating kalendaryo ang mga bagyong dumarating taun-taon, gayunman ang kahandaan natin sa mga kalamidad ay dapat maging normal na rin para sa atin. 


Habang papalapit ang Bagyong Nando at maging super typhoon, malinaw ang paalalang ito na mas mainam na nakahanda ang lahat, mga kaukulang ahensya ng gobyerno pati na rin ang disaster response team. Ang kaligtasan at seguridad ng mamamayan ay laging una, habang kailangan ng agarang aksyon mula sa pamahalaan at disiplina rin ng bawat isa.


Kaya naman inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) na magsagawa ng preemptive o mandatory evacuation, partikular sa mga coastal, low-lying at landslide-prone areas, at iba pang safety measures bago pa mag-landfall ang bagyo sa hilagang bahagi ng Luzon. 

Suporta ito sa panawagan ng Pangulo para sa mas maagap at kolektibong disaster response. 


Ipinagbawal na rin ang pangingisda, pagbibiyahe sa dagat, at ipinatupad na ang liquor ban upang maiwasan ang anumang abala sa panahon ng operasyon. Dapat tiyakin ng LGUs na ang evacuation centers ay may sapat na kuryente, suplay, at humanitarian assistance para sa mga apektadong pamilya, kabilang ang mga mangingisdang hindi makakapalaot. 


Kasama sa utos ng DILG ang tuluy-tuloy na pag-monitor ng lagay ng panahon, kahandaan ng health units at response teams, paglilinis ng mga estero at daluyan ng tubig, inspeksyon sa quarry at mining sites, at pagsusuri sa katatagan ng ating mga dam. 


Batay sa tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon ng umaga (Setyembre 21), ang sentro ng mata ng Super Typhoon Nando ay nasa layong 535 km east ng Tuguegarao City, na tatama ngayong Lunes, Setyembre 22, bago lumabas ng bansa sa Martes, Setyembre 23. Anim na lugar na ang itinaas sa Signal No. 2, ito ang Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Apayao, Kalinga at Ilocos Norte habang patuloy pang lumalakas. 


Kaugnay nito, naghanda na rin ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), kabilang ang paglalagay ng typhoon shutters sa Basco Airport at pagbibigay ng direktiba sa lahat ng CAAP-operated airports sa daraanan ng bagyo upang agad magpatupad ng emergency protocols. 


Kung tutuusin, dapat na sundin agad ng LGUs ang direktiba ng DILG upang maiwasan ang anumang trahedya. Ang bagyo ay hindi mapipigilan, pero ang pinsala ay puwedeng mabawasan kung maagap ang pag-aksyon at puno tayo ng pagmamalasakit sa ating kapwa Pinoy. 


Tuwing may bagyo, nahuhubog ang kahandaan ng pamahalaan at ng mamamayan. At ang tunay na sukatan ng liderato ay hindi kung gaano kabilis ang photo-op matapos ang kalamidad o sakuna, kundi kung gaano kahusay ang preparasyon bago ito dumating.


Tandaan din natin na ang tinatawag na resiliency ay hindi lang pagtitiis, kundi pagiging handa, responsable, at sama-samang kumikilos para mailigtas ang buhay at kinabukasan ng bawat isa sa tuwing may darating na kalamidad.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page