Magbayanihan para maiahon ang mga biktima ng sakuna

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 13, 2020
Patuloy tayong umiikot sa mga probinsiya ng Bikol at iba pang lugar na apektado ng magkakasunod na bagyo. Sa ating pag-iikot, kitang-kita ang kalbaryo ng ating mga kababayan at kung gaano nila kinakailangan ang tulong.
Dahil sa lawak ng pagkakasira at salanta, kailangang merong may babalik at tututok upang tuloy tuloy ang pagtulong hanggang sa tuluyang makaahon at maka-recover.
Sa panahon ng krisis, mahalagang nakikita agad ng tao ang gobyerno at nararamdaman nila ang presensiya nito. Para magawa ito, kailangang may holistic at whole-of-government approach tayo kapag may sakuna para makapagbigay ng mahusay at agarang serbisyo sa mga nasalanta.
Dito nakikita ang kahalagahan ng mabilis na coordinated and integrated mechanism upang masiguro ang lahat na ibinibigay ng gobyerno na tulong ay sapat, akma at angkop sa aktuwal na pangangailangan ng mga biktima.
Heto ang dahilan kung bakit tayo nananawagan na magkaroon ng mas streamlined na mekanismo ang iba’t ibang ahensiya, tulad ng Department of Social Welfare and Development, Department of Trade and Industry at Department of Agriculture sa ganitong mga panahon. Isama na rin dapat natin ang iba pang ahensiyang tumutugon sa pangangailangan ng mga biktima ng sakuna, tulad ng Department of Health.
Dapat gumawa ng mekanismo ang mga ahensiyang ito para mapag-usapan ang mas maayos na pamamahagi ng impormasyon at mas mabuting koordinasyon para mabigay ang kinakailangang serbisyo.
Sa tulong nito, sigurado tayong magiging angkop ang mga tulong na ibibigay ng gobyerno dahil alam na natin kung ano ang mga pangangailangan ng mga apektadong tao at komunidad.
At ngayong pinag-uusapan na natin ang pag-streamline ng serbisyo, bigyang-diin natin muli ang pagtatayo ng Department of Disaster Resilience o DDR na mismong mangunguna sa paghanda at pagresponde sa mga krisis. Matagal nang idinidiin na napapanahon na talagang magkaroon ng sariling departamento na nakatutok talaga at may Secretary-level na magiging overall in-charge tuwing may sakuna.
At para masiguro ang pagbangon ng mga nasalantang lugar habang wala pang naisasabatas na DDR, umaapela rin tayong magkaroon ng Task Force na siyang tututok sa recovery at rehabilitation efforts ng gobyerno. Habang walang DDR, itong Task Force muna ang mangunguna upang masigurong matapos ang trabaho hanggang sa muling makabangon ang mga kababayan nating pinaka-apektado ng Bagyong Rolly.
Ito ay upang hindi magkani-kanyang galaw ng mga ahensiya, mahirap ang koordinasyon. Kailangang merong timon na nakatutok hanggang sa matapos ang kailangang gawin ng gobyerno sa mga lugar na apektado.
Tuwing may malaking sakuna, hindi lang tayo dapat nagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan. Dapat sinisigurado rin natin na ginagawa ito sa paraan na walang nasasayang na pagod, pondo at oras dahil ang bawat segundo ay may katapat na buhay. Hindi puwedeng panandaliang tulong lang ang ibibigay. Tapusin ang trabaho hanggang sa makabangon ang mga apektadong komunidad.
Ngayong nasa gitna tayo ng isa pang bagyo, sana ay marami na tayong natutunan na mga leksiyon sa ating mga karanasan sa mga nakaraang sakuna. Magtulungan, magkaisa at magbayanihan tayong lahat!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments