Magagalitin o taong mahilig magalit kahit sa maliit na bagay, madaling namamatay!
- BULGAR

- Jan 6, 2021
- 3 min read
Updated: Jan 9, 2021
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 6, 2021
Sa pagpasok ng Bagong Taong 2021 ay isa sa dapat nating baguhin ang pagiging magagalitin na kung hindi man maiiwasan, dapat magdagdag ng napakaraming hinahon para sa ating kaligtasan.
Tumataas ang bilang ng mga Pinoy na sa edad 40 pataas ay nalalagay na sa peligro ang buhay dahil sa hilig nitong magalit, kahit sa walang kuwentang bagay ay malaking-malaki ang kanyang tingin para pagmulan ng galit.
Ang taong sobrang galit ay palaging tama ang paniniwala at lalong tumataas ang galit kapag tinangka pang makipagtalo sa mga taong dumaranas ng ganitong problema.
Magkakaiba ang klase ng galit — mayroong hilig lang, mayroong madaling magsiklab, mayroong kumukulo talaga ang dugo at nagkikimkim ng galit sa matagal na panahon at mayroon din namang madaling mapawi.
Ngunit ayon sa ulat ng New York Times News Service, hindi malayong mangyari na masawi ang magagalitin o taong mahilig magalit kahit maliit na bagay.
Ang pinsalang nagagawa ng galit ay mas higit pa sa paninigarilyo, sobrang taba o pagkahilig sa pagkaing mayaman sa taba ng hayop na pangunahing dahilan ng maagang pagkamatay ng tao.
Nakasaad pa sa ulat na nagsagawa ng pag-aaral ang mga eksperto, ilang 25-anyos na mag-aaral sa unibersidad ang binigyan ng pagsubok sa personalidad upang sukatin ang antas ng galit na nadarama nila araw-araw.
Sinuring muli ng mga ekperto ang mga estudyanteng ito makalipas ang 25 taon at napatunayang ‘yung hindi masyadong nagagalit ay nasa apat na porsiyento lamang ang namatay sa edad na 50.
Subalit karamihan sa mga magagalitin ay hindi nagtagal dahil 20 porsiyento sa kanila ang agad na namatay at natukoy na ang mga madaling magalit ay mayroong nakakapinsalang kolesterol sa dakong huli ng buhay at kandidatong magkaroon ng sakit sa puso.
Ayon naman kay Dr. Mara Julius, isang epidemiologo sa University of Michigan, ang mga taong nagkikimkim ng galit sa halip na humanap ng solusyon sa problema ay tatlong ulit na mas malaki ang tsansang agad mamatay, kumpara sa hindi.
Mataas din umano ang tsansang mamatay ng isang taong biglang nagagalit o sa isang iglap ay nagtataas ng boses at mas mataas pa umano ang masamang resulta nito kumpara sa taong lulong na sa paninigarilyo.
Maging sa banal na kasulatan ay nagbabala laban sa galit bago pa man natuklasan ng mga eksperto ang masamang epekto ng galit “Huwag lubugan ng araw ang inyong galit” ayon sa isang talata ng Efeso 4:26.
“Maglikat ka ng pagkagalit at bayan mo ang poot” payo pa ng isang talata mula sa Awit 37:8 at kapansin-pansin pa ng ang iniuugnay ng Banal na Kasulatan ang ating emosyunal na kalagayan sa ating pisikal na kalusugan.
Binanggit nito na, “Ang pusong matiwasay ang buhay ng katawan” na mula naman sa Kawikaan 14:30 at maraming patunay na ang nakita natin sa buong buhay natin na higit talagang payapa ang pamumuhay ng taong bihirang magalit.
Ngayon, ikaw na mahilig magalit, hindi naman masamang ikaw ay magalit, ang masama lamang ay pabigla-bigla at madalas na galit dahil nagsisilbi itong lason sa ating katawan na nagreresulta sa kamatayan.
Alam n’yo ba na ang sobrang galit ay nagdudulot ng napakaliwanag na pamamahay dahil sa magandang serbisyo ng punerarya sakaling matuluyan ka dahil sa sobrang galit.
Kaya sa mga mahilig magalit, makabubuting maghinay-hinay baka sa susunod ay huling galit mo na ‘yan at bigla ka na lamang mangisay.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments