Mag-asawang naghiwalay, nagpirmahan lang sa barangay
- BULGAR
- Mar 11, 2022
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 11, 2022
Dear Chief Acosta,
Kami po ng dati kong asawa ay may higit limang (5) taon nang hiwalay na namumuhay. Wala po kaming naging anak sa loob ng aming naging pagsasama. Bago po kami nagkasundong maghiwalay ay nagkaroon pa kami ng kasulatan sa barangay na pareho kaming pumapayag na maghihiwalay na ng landas bilang mag-asawa at hahayaan na naming mamuhay nang mapayapa ang isa‘t isa.
Ako po ngayon ay may kinakasama ng iba na gusto ko nang pakasalan sa lalong madaling panahon. Noong nakaraang linggo po ay nagtungo kami sa aming munisipyo upang kumuha ng marriage license. Napagsabihan po ako ng isang kawani doon na hindi pa rin diumano ako maaaring makakuha ng marriage license kahit naipakita ko pa sa kanila ang kasunduan naming mag-asawa sa barangay. Ipinipilit nila na hindi pa rin diumano putol ang kasal ko kaya hindi pa rin diumano ako puwede mag-asawa ng iba.
Bakit po ayaw nilang kilalanin ang kasunduan namin sa barangay kahit po pareho naman naming pirmado iyon ng hiniwalayan kong asawa? Tama po ba sila? Sana po ay mapayuhan ako ng inyong tanggapan. Salamat po nang marami!
Pamela
Dear Pamela,
Bilang sagot sa inyong katanungan, kailangang maunawaan na ang kasal ay isang uri ng panlipunang institusyon o samahan na kung saan ang kalikasan, bunga at iba pang mga pangyayari sa loob nito ay pinamamahalaan ng batas at hindi basta-basta malalabag ng simpleng kasunduan. (Article 1, Title 1, The Family Code of the Philippines) Dahil dito, ang pamamaraan sa pagpapakasal maging sa pagpapawalang-bisa dito ay sakop ng batas at hindi lang ng kasunduaan ng magkabilang panig.
Sa bisa ng nabanggit na ito, kinakailangan ng higit pa sa isang kasunduan sa barangay para maputol ang isang kasal. Ang pagpapawalang-bisa sa isang kasal ay nangangailangan ng isang petisyon na isasampa sa korte na may kasamang pormal na pagdinig upang mapatunayan ang mga legal na batayan para rito. Mayroon ding pagsisiyasat na gagawin ang korte bago ito makapagpasya kung nasunod nga ba ang panuntunan at pamantayan para sa legal na pagpuputol ng isang kasal.
Para sa inyong pagnanais na makakuha ng marriage license upang maikasal muli, nararapat lang ang tugon ng civil registrar ng inyong lugar na hindi payagan ang inyong aplikasyon para sa marriage license dahil nakasaad sa batas na kinakailangan na makapagsumite ang mga dati nang naikasal ng judicial decree o pormal na utos ng hukuman na nagsasaad ng desisyon nito na payagan ang pagpuputol ng isang kasal (Article 13, Id.). Sa kawalan ng judicial decree na ito, talagang hindi kayo papayagan ng civil registrar na makakuha ng marriage license dahil hindi ito maaaring punan ng kasunduan sa barangay.
Sakaling pilitin n'yo pa rin na maikasal sa inyong kasalukuyang kinakasama sa kabila ng pagiging kasal pa rin sa inyong asawa ay ituturing ng batas na walang bisa mula sa simula ang inyong pangalawang kasal. (Article 35(4), Id.) Dahil dito, kung talagang nais n'yo na maging legal at wasto ang inyong kasal sa inyong kinakasama ngayon ay mabuting magsampa kayo ng legal na aksyon sa korte para matapos na ang inyong unang kasal at di kalaunan ay makakuha ng marriage license para sa inyong pangalawang kasal.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments