top of page

Mag-asawang Discaya, ‘pag ginawang state witness baka ‘Pinas matulad sa Indonesia at Nepal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 12
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 12, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


BUTI NI-REJECT NI TITO SEN NA MAGING STATE WITNESS ANG MAG-ASAWANG DISCAYA, KUNG INAPRUB BAKA ‘PINAS MAGMISTULANG INDONESIA AT NEPAL -- Mabuti na lang ni-reject at hindi pinirmahan ni Senate President Tito Sotto ang sulat ni Sen. Rodante Marcoleta na hihilingin kay DOJ Sec. Boying Remulla na gawing state witness ng gobyerno ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya laban sa mga kongresista at iba pa na isinangkot nito sa kickback sa flood control project scam.


Kasi sa totoo lang, sa higit P31 billion na-scam umano ng mag-asawang Discaya sa kaban ng bayan kapag ang mga ito ang ginawang state witness ng gobyerno, para sila ay makalusot sa sangkatutak na kasong mga no bail na plunder at economic sabotage ay tiyak magwawala ang taumbayan, baka matulad ang Pilipinas sa Indonesia at Nepal na ang kanilang mga mamamayan ay nagwala, nanunog ng mga gov’t. building at mala-palasyong tahanan ng mga corrupt na mga politician at kapitalista sa dalawang bansang ito, period!


XXX


SABI NINA SEN. KIKO ANG SINUNGALING KAPATID NG MAGNANAKAW, AT MAYOR VICO ANG SINUNGALING ASAWA NG MAGNANAKAW, KAYA HANGAD NG MAG-ASAWANG DISCAYA NA MAGING STATE WITNESS ‘SUNTOK SA BUWAN’ -- Sa post ni Sen. Kiko Pangilinan aniya, “Ang sinungaling kapatid ng magnanakaw,” kaya hindi puwedeng maging state witness ang mag-asawang Discaya na parehong nagsinungaling nang magpaawa effect, pa-feeling victim sa Senate Blue Ribbon Committee na dahil daw sa kickback sa kanila ng (iilan) binanggit niyang mga kongresista at DPWH officials ay 2% to 3% na lang daw ang natitira sa kanila, may pagkakataon pa raw na nalulugi sila sa mga proyekto. At sa pagharap naman ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa House Infra Committee, binanggit niya na sa ipinakitang yaman ng mga Discaya sa publiko ay kasinungalingan umano ang sinabi ng mga ito na maliit lang daw ang kinikita nila sa mga proyekto dahil sa kickback, at pagkaraan sinabi ng alkalde na huwag maniwala sa mga Discaya dahil aniya, “Ang sinungaling (Sarah ito), asawa ng magnanakaw,” sabay lingon kay Curlee Discaya. 


Ang nais nating ipunto rito, dahil sa nuknukan sa pagsisinungaling ang mag-asawang Discaya ay "suntok sa buwan" ang nais nilang maging state witness ng gobyerno para makaiwas sa kaso at hindi makumpiska ng pamahalaan ang ‘na-scam’ nilang higit P31B sa pera ng bayan, boom!


XXX


DAPAT HINDI LANG MGA TAGA-DPWH AT MGA KONTRAKTOR ANG KASUHAN, PATI TAGA-COA ISAMA SA KASO -- Sinampahan na ni DPWH Sec. Vince Dizon ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang ilan sa mga sangkot na DPWH officials at mga kontraktor sa flood control projects scam sa Bulacan.


Aba teka, bakit walang taga-COA (Commission on Audit) sa kinasuhan? Dapat sampahan din ng kaso ang mga taga-COA dahil baka kasabwat sila sa scam na ‘yan dahil hindi nila ginampanan ang kanilang mandato na i-audit kung completed na at sapat ang ginastang pera ng bayan sa mga flood control project na kalaunan ay natuklasang mga "guni-guni" project pala, period!


XXX


KAILAN MAGPAPAKITANG-GILAS SI GEN. LUCAS PARA LANSAGIN ANG 'PROTECTION RACKET SYNDICATE' AT 'OIL PILFERAGE SYNDICATE' SA CALABARZON? -- Patuloy na namamayagpag ang "protection racket syndicate" nina "Tsan Parak," "Tata Obet," "Adlawan," “Dimapeles,” "Rico," at "Jong" sa mga ilegalista sa buong Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (CALABARZON) at "oil pilferage syndicate" nina "Dondon

Alahas," "Violago," "Amang" at "Aldo" sa Batangas at Cavite.


Kailan kaya gagawa ng aksyon, magpapakitang-gilas si PNP-Region 4-A Director, Brig. Gen. Kenneth Lucas para lansagin ang dalawang sindikatong ito sa CALABARZON, abangan!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page