Mag-asawa o magkasintahan, ‘di lisensya para piliting makipag-sex
- BULGAR
- Jul 17, 2023
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 17, 2023
Dear Chief Acosta,
Nagsumbong ang pamangkin ko sa akin na siya diumano ay sekswal na inabuso.
Noong una ay ayaw niya pang sabihin ang lahat ng nangyari, ngunit sa tulong na rin ng matalik niyang kaibigan ay naglakas-loob siyang sumama na magpasuri sa doktor at idetalye ang lahat ng nangyari sa kanya. Kamakailan ay nabalitaan niya na ipinagkakalat diumano ng lalaki na nang-abuso sa kanya na sila ay magnobyo ng pamangkin ko. Mariing itinanggi ito ng pamangkin ko. Bagaman naging “crush” diumano niya ang naturang lalaki ay hindi umabot sa punto na naging sila dahil nalaman ng pamangkin ko na mayroon nang dalawang pinagsasabay na kasintahan ang lalaking iyon. Pinipilit diumano siya ng lalaking iyon na maging sila at nang sabihin ng pamangkin ko na talagang ayaw niya, doon na diumano siya pinuwersa na makipagtalik. Sinubukang manlaban ng pamangkin ko ngunit sadyang malakas diumano ang lalaking iyon. Matapos ang malagim na pangyayari ay binalaan siyang huwag magsusumbong kundi ay papatayin diumano siya at ang kanyang pamilya. Ang nais ko lamang malaman ay kung mayroong laban ang pamangkin ko kung sakaling ituloy niya ang kanyang reklamo, gayong ang ipinapalabas ng lalaking iyon ay magkasintahan sila. Sana ay malinawan n'yo ako. - Barbie
Dear Barbie,
Ang anumang sekswal na gawain, kabilang na ang pakikipagtalik, ay kinakailangan na mayroong malayang pagsang-ayon ng parehong partido. Ang nasabing panuntunan ay angkop sa bawat isa sa atin, kahit sa mga partido na nag-iibigan tulad ng mga magkasintahan, mga nagsasama, at sa mga mag-asawa.
Ang pagkakaroon ng relasyon bilang magkasintahan o kaya naman ay mag-asawa ay hindi nangangahulugan na wala nang kalayaang mamili ang sinumang partido rito sa nais niyang gawin sa aspetong sekswal. Bagkus, mananatiling kanya at kanya lamang ang desisyon sa aspeto na ito. Kung hindi niya malayang ibibigay ang kanyang pagsang-ayon at ipipilit ng kanyang kasintahan o asawa na gawin ang anumang sekswal na gawain, maaaring panagutin ang huli sa ilalim ng ating batas kriminal, tulad ng Republic Act No. 8353 o ang “Anti-Rape Law of 1997,” Republic Act No. 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004,” at iba pang angkop na probisyon ng ating Revised Penal Code.
Sa sitwasyon na ibinahagi mo, maaaring maghain ng reklamo ang iyong pamangkin kung sadyang siya ay sekswal na inabuso. Kahit na kakilala pa niya o napusuan niya ang lalaking nais niyang ireklamo, ang mahalagang tanong: Malaya ba siyang sumang-ayon na makipagtalik sa lalaking iyon? Kung hindi, totoong may relasyon man sila o wala, maaari niyang isulong ang paghahain ng kaso kaugnay sa ginawang pang-aabuso sa kanya nang sa gayon ay makamit niya ang hustisya. Nais naming bigyang-diin na kinakailangan na consensual o kapwa nila ninais at malayang sinang-ayunan ang anumang gagawin nila sa isa’t isa. Bilang karagdagang kaalaman, nais naming ibahagi ang paliwanag ng ating Korte Suprema, sa panulat ni Kagalang-galang na dating Mahistrado Mariano C. Del Castillo, sa kasong People of the Philippines vs. Reynaldo Olesco (G.R. No. 174861, April 11, 2011):
“In rape, the ‘sweetheart’ defense must be proven by compelling evidence: first, that the accused and the victim were lovers; and, second, that she consented to the alleged sexual relations. The second is as important as the first, because this Court has held often enough that love is not a license for lust.
In any event, the claim is inconsequential since it is well-settled that being sweethearts does not negate the commission of rape because such fact does not give appellant license to have sexual intercourse against her will, and will not exonerate him from the criminal charge of rape. Being sweethearts does not prove consent to the sexual act. Thus, having failed to satisfactorily establish that “AAA” voluntarily consented to engage in sexual intercourse with him, the said act constitutes rape on the part of the appellant.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments