MAEBY LOVE TEAM NINA RYZZA MAE AT BIMBY, PALIT SA ALDUB NG EB!
- BULGAR

- Jun 19
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | June 19, 2026

Photo: Eat Bulaga
Ang pagge-guest ni Bimby Aquino sa programang Eat… Bulaga! (EB!) noong kaarawan ni Ryzza Mae Dizon ay hudyat na puwede na niyang umpisahan ang kanyang planong pagpasok sa showbiz.
Marami ang kinilig sa kanila ni Ryzza Mae. May kakaibang karisma si Bimby at tiyak na madali siyang mapapalapit sa masa.
May mga nagsasabing puwede silang pumalit sa tandem ng AlDub na sumikat noon dahil sa EB!. Puwedeng gawing MaeBy love team sina Ryzza at Bimby. Magugustuhan ito ng mga viewers dahil regular nang mapapanood si Bimby sa telebisyon.
Well, may balita naman na gustong tulungan at i-manage ni Dingdong Dantes ang career ni Bimby. May sariling production at staff ang aktor, ang AgostoDos Pictures na mag-aalaga kay Bimby sakaling desidido na itong mag-full-time sa showbiz.
Ninang sa kasal nina Dingdong at Marian Rivera si Kris Aquino. Tiyak na mapapanatag ang loob ni Kris na ipagkatiwala si Bimby kay Dingdong.
For sure, madaling makakapag-adjust si Bimby sa pagpasok niya sa showbiz dahil bata pa siya ay ito na ang nakasanayan niyang mundo.
Nakagawa na rin siya ng pelikula kasama ang kanyang Mommy Kris, ang My Little Bossings (MLB).
MASAYA si Aiko Melendez nang malaman na magkakasama sila ng anak na si Andre Yllana sa isang movie project. Kaya todo ang pasasalamat niya kay Vic Del Rosario at Viva Entertainment sa pagkakataong makatrabaho ang anak.
Bagama’t wala pang detalye tungkol sa proyekto, excited si Aiko sa kanyang magiging role. Pagkakataon na rin niya itong maka-bonding nang matagal si Andre at mabigyan ito ng tips sa pag-arte.
Alam niyang may talento si Andre at kakayanin nito ang anumang role na ibigay sa kanya.
May ilang fans naman na nagmumungkahi na isama rin si Jomari Yllana sa proyekto para kumpleto na ang pamilya.
Marami ang tiyak na mag-aabang sa posibleng pagsasama nilang tatlo sa big screen. At siyempre, isa sa pinakamasaya rito ay si Andre Yllana.
KASABAY ng kanyang pagtanggap ng Duyan Ka ng Magiting award noong June 12, nangako si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta na ipagpapatuloy niya ang paglilingkod at paghahatid ng libreng serbisyong legal sa lahat ng nangangailangan.
Hindi siya magreretiro nang maaga. Magsisilbi siya sa PAO hanggang 2031. By that time, 70 years old na si Atty. Acosta.
Marami na siyang natulungan sa panahon ng kanyang paninilbihan sa PAO. Marami na rin siyang naipanalong kaso sa tulong ng magagaling na mga abogado.
Ang dedikasyon ni Atty. Persida sa PAO ang dahilan kaya hindi niya naisipang pumasok sa political arena. Marami noon ang lumapit at nagkumbinse sa kanya na tumakbong senador sa mga nagdaang eleksiyon. Pero ang kapakanan pa rin ng PAO ang kanyang naging prayoridad. Mas kailangan daw siya nito at marami pa siyang dapat tulungan.
Well, sa tamang panahon at kung sadyang itinakda para sa kanya, darating din iyon.





Comments