Madlang pipol, esep-esep daw… WILLIE: PULITIKONG TODO-INGLES LANG AT AWAY NANG AWAY, 'WAG IBOTO
- BULGAR
- Sep 7, 2021
- 2 min read
SA 2022
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | September 07, 2021

Dismayado at labis na nalulungkot si Willie Revillame sa nangyayari ngayon sa bansa lalo pa nga’t nalalapit na naman ang eleksiyon. Kaya naman sa recent Wowowin episode ay nagbigay ng paalala ang TV host sa mga botante na iboto ang karapat-dapat.
“Isang buwan na lang, filing na ng mga kakandidato, ‘di ba? Kailangan, ‘yung iboboto n’yo, ‘yung talagang may pagmamalasakit sa inyo. ‘Yung talagang nandiyan para magsilbi sa inyo. ‘Yung talagang nandiyan, anytime lumalabas ng bahay para magsilbi,” pagpapaalala ni Willie.
Para sa kanya, ang dapat iboto ay ‘yung mga kandidatong may puso sa mga mahihirap.
“Hindi puwedeng puro karunungan lang. Hindi pupuwedeng puro Ingles-Ingles lang. Kailangan ‘yung busilak ang puso. Hindi ka man marunong mag-Ingles pero ang puso mo naman, taos-pusong pang-Pilipino. 'Yan ang dapat,” aniya.
Inihayag din ni Willie ang kanyang pagkadismaya sa ilan sa mga pulitiko na ibinoto ng sambayanan pero walang ginawa kundi ang mag-away.
“'Yan ba ang ibinoto natin? Walang ginawa kundi mag-awayan? Ito ba ang panahon para magbangayan? Ito ba ang panahon para magsisihan? Ito ba ang panahon para sisihin mo kahit sino?
“Ito ang panahon para gumawa kayo ng kabutihan sa pinagdaraanan nating lahat ngayon. Ang daming kawawang nagugutom,” ang seryosong saad ni Willie.
“Nakakalungkot, ang dami nating pinagdaraanan, tapos nag-aaway-away kayo. We voted for you para mag-away-away lang kayo?” dagdag pa niya.
Panawagan ni Willie sa mga pulitiko, “Magkaisa tayo, magsama-sama, tulungan ang mahihirap, tulungan ang mga nagsisilbi, mga frontliners.”
Hindi maitago ng TV host ang pagkalungkot at pagkadismaya kaya humingi naman siya ng dispensa sa manonood.
“Pasensiya na kayo dahil 'di ba? Ang hirap, eh. Ang hirap ng pinagdaraanan natin, tapos ganyan nakikita mo,” aniya.
Sa huli ay sinabi ng TV host ang mga linyang “Hindi natin kailangang naka-posisyon para makatulong. Kailangan, busilak ang puso mo, nasaan ka man.”
Ibig kayang sabihin nito ay nagdesisyon na si Willie na hindi na tatakbong senador sa 2022 elections?
'Yan ang malaking tanong ngayon.
Hanggang ngayon kasi ay wala pang announcement si Willie kung tinanggap na ba niya or tinanggihan ang offer ni Pres. Rodrigo Duterte na tumakbong senador sa ilalim ng kanyang partido.
Well, next month na ang filing ng candidacy and by then ay malalaman na natin kung ano ba talaga ang kanyang final decision.





Comments