top of page
Search
BULGAR

Madalas at biglaang pag-absent, ‘di pag-abandona sa trabaho

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 6, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Kahera ako sa isang grocery store. Dahil sa aking pabalik-balik na sakit ay napapadalas ang aking pagliban sa trabaho. Sinisigurado ko naman na magpaalam sa aking bisor bago ako magliban sa trabaho. Subalit nagsabay-sabay din ang aking personal na suliranin gaya ng biglaang pagkamatay ng aking asawa, kaya may mga pagkakataon na bigla akong hindi nakakapasok sa trabaho nang walang paalam dahil mag-isa lang akong nag-aalaga sa aking mga anak. Dahil naiipit ako sa aking kasalukuyang sitwasyon, nagpadala ng sulat ang aking employer na maaari diumano akong makonsiderang nag-abandona dahil sa patuloy kong pagliban sa trabaho. Totoo bang makokonsiderang pag-abandona ang madalas o biglaang pagliban ko sa trabaho? — Mariz


 

Dear Mariz, 


Ang madalas o biglaang pagliban sa trabaho na walang paalam sa employer ay hindi agad nangangahulugan na ang empleyado ay nagnanais na abandonahin ang kanyang trabaho. 


Sa kasong napagdesisyunan ng Korte Suprema na Gososo vs. Leyte Lumber Yard and Hardware, Inc., 968 SCRA 538, G.R. No. 205257 January 13, 2021, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Ramon Paul L. Hernando, ay nakasaad na:


Abandonment requires the concurrence of the following: (1) the employee must have failed to report for work or must have been absent without valid or justifiable reason; and (2) there must have been a clear intention to sever the employer-employee relationship manifested by some overt acts. Abandonment is a matter of intention and cannot lightly be presumed from equivocal acts. Absence must be accompanied by overt acts pointing definitely to the fact that the employee simply does not want to work anymore. The burden of proof to show that there was unjustified refusal to go back to work rests on the employer.”


Sang-ayon sa nabanggit na kaso, ang pag-abandona ay nangangailangan ng pagsang-ayon ng mga sumusunod: (1) ang empleyado ay hindi pumasok sa trabaho nang walang wasto o makatwirang dahilan; at (2) dapat mayroong malinaw na intensyon na putulin ang relasyon ng employer-employee sa pamamagitan ng ilang hayagang kilos. 


Ang pag-abandona ay kinakailangang maging intensyonal at hindi maaaring basta-basta na lamang akalain mula sa mga malabong kilos ng empleyado. Ang pagliban ay dapat na samahan ng mga hayagang kilos na nagtuturo sa katotohanan na ang empleyado ay ayaw nang magtrabaho.


Kaya naman sa iyong sitwasyon, ang iyong madalas at biglaang pagliban sa trabaho ay hindi makokonsiderang intensyon upang iabandona ang iyong trabaho, lalo na at mayroon kang dahilan sa iyong pagliban. Gayunpaman, may ibang batayan na maaaring gamitin ang iyong employer para ikaw ay disiplinahin o tanggalin sa serbisyo kung magpapatuloy ka pa rin sa madalas at biglaang pagliban sa trabaho. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page