top of page

Mabuting naidudulot ng taimtim na pakikinig

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 18
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 18, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Ang Biyernes na ito ang ika-15 pagdiriwang ng World Listening Day, isang espesyal na araw na nagsisilbing pagpapasalamat at pagpapatuloy sa nasimulan ng kapita-pitaga’t makakalikasang kompositor na tubong Canada na si R. Murray Schaefer.


Si G. Schaefer ang nagtatag noon pang mga huling taon ng dekada sisenta ng disiplinang tinatawag na akustikong ekolohiya, na naglalayong mapag-aralan ang maselang kaugnayan ng sangkatauhan sa kanilang kapaligiran, pati ang mga pagbabago rito dala ng paglipas ng panahon.


Naging bunga nito ang kanyang World Soundscape Project, isang malawakang proyekto para magsaliksik at makahanap ng mga solusyon upang mapangalagaan ang natural na mga tunog pang-ekolohiya sa kabila ng malawig na modernisasyon. Mainam na pagkakataon ang okasyong ito upang mapagnilay-nilayan ang kahalagahan ng pakikinig sa ating kapwa nilalang at mga nilikha. 


Pakinggan natin, gaya ng panawagan ng akustikong ekolohiya, ang tunog ng kalikasan, gaya ng pag-ihip ng hangin na nakapagpapasayaw at nakapagpapakaluskos sa mga sanga’t dahon ng mga puno o ang paghuni ng mga ibon, na nakapagpapagaan sa ating pakiramdam. 


Pakinggan ang mga nakatatanda, sila na marami nang natutunan at maibabahaging aral mula sa kanilang mga karanasan at matagal nang mga pakikipagsapalaran sa buhay.Pakinggan ang ating mga guro, na layuning hindi lamang palaguin ang ating karunungan kundi payabungin ang ating pakikipagkapwa at pagharap sa mga hamon ng kasalukuyan o hinaharap. Pakinggan ang maaaring makadagdag sa ating praktikal na kaalaman, na karahima’y libreng matutunghayan, habang tayo’y may inaatupag na gawaing bahay o habang lulan ng pampublikong sasakyan para sa mahabang biyahe galing sa pinapasukan. 


Pakinggan ang payo ng mga manggagamot o espesyalista tungkol sa pagpapagaling o pagpapahalaga sa ating kalusugan, upang tayo’y manatiling may lakas at kakayahang magpatuloy sa ating mga tungkulin at panawagan sa buhay. 


Pakinggan ang ating mga katrabaho, nakatataas man, nakabababa o kapantay lamang na lumalapit sa atin para humingi ng tulong gaano man karami ang ating ginagawa, sapagkat minsan rin tayong dumaan sa kanilang pinagdaraanan o balang araw ay makararating sa kanilang kinalalagyan.


Pakinggan ang mga may kapansanan tulad ng pagkabingi sa pamamagitan ng kanilang wikang pasenyas, magpasalamat sa ating patuloy na kakayanang makarinig, iwasang abusuhin ang ating pandinig dala ng malakas na musika o ng pagkalkal ng dumi ng ating mga tainga, at magwari kung paano higit na makatutulong sa mga ‘di makarinig.

Pakinggan ang mga nasa laylayan ng lipunan at kapalaran at damhin ang kanilang mabibigat na mga suliranin, at gawin ang lahat ng makakaya upang ibsan ang kanilang pasanin sa ating munting kaparaanan.


Pakinggan ang mga malalapit na kaibigan, lalo na kung may idinadaing na pagsubok o pagdadalamhati, at ipahiram ang ating mga tainga at balikat upang maramdaman nilang hindi sila nag-iisa at sa kanila ay may nagmamahal. Wala mang maapuhap na salita o kulang ang lahat ng ating karunungan upang pagaanin ang kanilang kabigatan, ang katiwasayang dulot ng ating presensya ay daluyan ng pag-asa sa gitna ng kanilang hapis. 


Pakinggan ang masisiglang pakikipag-usap, matamis na pagngiti, wagas na paghalakhak o paglalambing ng ating mga mahal sa buhay. Pasayahin natin sila nang napakaraming ulit pa, sapagkat hindi natin batid kung hanggang kailan natin sila makakapiling. Pakinggan nang masinsinan ang sa atin ay nais makipag-usap, suklian sila ng maamo at sinserong paglingap at huwag kainipan ang kanilang naglalahad ng saloobin o suliranin. 


Pakinggan ang pakikipag-usap sa atin ng Maykapal, na kung atin lamang pananampalatayang tunay na andiyan lamang sa ating kalagitnaan at naghihintay tulad ng isang wagas na mangingibig, ay ating madaraming ganap na malapit at umaamot ng bawat segundo ng ating buhay sa mundong ito.


Pakinggan ang ating sarili, na huwag maliitin ang sariling kakayanang magbago, bumangon, umangat, at maging inspirasyon sa sangkatauhan. Marami tayong kabutihang maaaring maibahagi sa araw-araw na makapagpapasaya hindi lamang sa pinag-alayan nito kundi maging sa ating mga puso.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page