top of page
Search
  • BULGAR

Mabuti na lang hindi takot ang COA na banggain si P-Duterte

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 24, 2021



“I will stand by Duque even if it brings me down”. Ano pa ba ang masasabi natin d’yan? Tuwang-tuwa siguro si Health Sec. Duque na sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos sa kanya ay kakampi pa rin ang makapangyarihang opisyal ng bansa. Kaya kahit ano pang maungkat ng Commission on Audit (COA) sa pagpapatakbo ng DOH sa ilalim ni Duque ay balewala na ito sa kanya.


Natutuwa tayo sa suportang natatanggap ng COA mula sa maraming negosyante matapos banggain ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nasa mandato ng COA ang kanilang ginagawa para labanan ang korupsiyon at katiwalian. Pero ayaw talaga ng administrasyong ito ang kahit anong kritisismo o pagpupuna dahil ang tingin sa sarili ay wala itong pagkakamali. Ngunit sa sunud-sunod na mga ulat ng COA ay hindi ganyan ang sitwasyon.


Hindi agad sinasabi ng COA na may naganap na korupsiyon o pagnanakaw. Pinupuna lang nila ang mga pagkukulang o kakaibang pamamalakad ng pondo ng bansa. Mga pondo na hindi nagamit, nalipat kung saan-saan at kakulangan ng mga dokumento para ipaliwanag ang paggamit ng pondo. Lumabas sa ulat ng COA kung bakit hindi nakabili ng bakuna ang gobyerno noong Enero. Ayon sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM), hindi saklaw sa tungkulin nila ang bumili ng bakuna kahit hiniling ito ng Department of Health. Sa madaling salita, nagtuturuan ang mga ahensiya ng gobyerno. Kung naayos sana ito ay mas napaaga ang pagbili at pagdating ng bakuna sa bansa.


Iniimbestigahan ngayon ang tila napakamahal na pagbili ng gobyerno ng facemask. Kinekwestyon din ang dalawang bilyong pisong hindi nagamit na tila inupuan lang ng DBM. May ganyang pondo pala sa kabila ng reklamo ng mga frontliners na hindi pa natatanggap ang mga ipinangakong benepisyo. Frontliners ang humaharap sa mga peligrong dulot ng COVID-19, lalo na noong panahon na wala pang bakuna. Nararapat lang na sila ang dapat palaging inaasikaso ng gobyerno. Maiinis talaga tayo sa mga balitang ito, lalo na’t binabangga pa ng Palasyo ang COA kahit trabaho nila ang ginagawa. Suportahan natin ang COA sa patuloy na pagsuri kung paano nagagamit ang pera ng mamamayan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page