Mabilis na tugon ng FDA para sa Ivermectin, kailangan na!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 31, 2021
Agad tayong maghahain ng Resolusyon sa Senado matapos ang Holy week para himukin ang Food and Drug Administration (FDA) na agarang siyasatin at tugunan ang aplikasyon para sa pag-manufacture ng gamot na Ivermectin.
Base sa pahayag ng ilang mga doktor ay maaari itong gamitin laban sa COVID-19 kaya nais nating maglabas sila ng tiyak na resulta hinggil sa mabilis na paglaganap nang paggamit ng Ivermectin laban sa COVID-19.
Ang Ivermectin ay anti-parasitic na gamot na may veterinary applications, o ginagamit sa mga hayop, ngunit ginagamit din naman sa mga tao.
Dahil na rin sa nagiging takbo nang pagbabakuna sa bansa ay marami sa ating mga kababayan ang dumagsa na sa black market para makabili lamang ng Ivermectin na hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa kung mabisa nga ba o hindi.
Marami na rin tayong nakausap na doktor at maging mga pasyente na nagpapatotoo sa potensiyal ng gamot na ito na epektibong mabilis magpagaling sa nahawa sa COVID-19, at nagbibigay pa ng proteksiyon para hindi mahawa ang isang indibidwal.
Sa pamamagitan nang pagsusuri ng FDA, matitiyak ang “efficacy” ng Ivermectin at ang kaligtasan ng paggamit nito. Hindi lamang mandato ng FDA, kung hindi obligasyon pa na tingnan ang iba’t ibang maaaring tugon at lunas sa kasalukuyang pandemya.
Kung totoo na may potensiyal makatulong ang Ivermectin sa laban sa COVID-19, tama lamang na suriin itong mabuti ng FDA sa lalong madaling panahon.
Bagama’t hindi tayo eksperto sa larangan ng medisina, tungkulin ng lahat na pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa, kasama na ang paghanap ng mga alternatibong solusyon sa mga suliranin. Hindi tamang hindi pa man napag-aaralan ang posibleng potensiyal ng Ivermectin ay sinasarhan na agad ito ng pinto.
Dahil sa nagkakahati-hating mga pahayag hinggil sa epekto ng Ivermectin at kakulangan ng tiyak at transparent na pagsisiyasat ng FDA, posibleng samantalahin ng mga negosyante sa black market ang ilegal na bentahan ng Ivermectin na hindi na masusundan ng gobyerno. Sa halip na malinaw ang pagiging regulator ng FDA ay makukubli na ito sa radar ng ahensiya na ayaw naman nating mangyari.
Lumalabas na nagsumite na ng aplikasyon ang manufacturer ng Ivermectin sa FDA ng License To Operate (LTO) noong nakaraang Pebrero 11 upang kalaunan ay makakuha ng Certificate of Product Registration (CPR) at maibenta na ito ng legal sa publiko. Sa halip na tugunan ang aplikasyon ay nagpalabas ng banta ang FDA noong nakaraang Marso 21 na maparurusuhan ang sinumang magtulak sa paggamit ng Ivermectin.
Alam naman natin kung gaano kahirap ang gamutan ng isang nahawa sa COVID-19, na may mga kasong inaabot pa ng milyong piso ang gastos bago gumaling o bawian ng buhay. Dahil sa napakamura umano ng Ivermectin at mabilis ang pakalat ng kuwento kung gaano ito kaepektibo laban sa COVID-19 ay hindi na alintana ng ating mga kababayan ang panganib na kanilang susuungin kaysa nga naman abutin sila ng kamatayan sa paghihintay sa bakuna.
Utang ng FDA sa bawat Pilipino na alamin ang potensiyal ng Ivermectin at agarang ipalabas ang mga findings ng kanilang pagsusuri. Ito lamang ang paraan para matapos na ang debate, at para hindi na sila naaakusahan na basta na lamang pinagsarhan nang pagkakataon ang posibleng solusyon na wala man lamang pag-aaral.
Dalawa ang puwedeng mangyari kung mananatiling nakaupo lamang ang FDA hinggil dito, una ay posibleng mapahamak ang marami sa ating mga kababayan dahil sa paggamit ng Ivermectin.
Ikalawa ay baka totoo naman ang Ivermectin at ito lamang pala ang bukod sa mura ay epektibo pang solusyon para masugpo ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Win-win solution naman kung kikilos agad ang FDA dahil kung negatibo ang resulta ay maililigtas natin sa kapahamakan ang ating mga kababayan, ngunit kung positibo na malaki ang potensiyal ng Ivermectin ay mas lalo nating maililigtas ang marami sa tiyak na kamatayan, kaya galaw na!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments