Mabilis na pag-hire ng mga eksperto para sa inclusive education
- BULGAR

- 5 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 13, 2026

Inanunsyo kamakailan ng Department of Education (DepEd) na inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglikha ng 133 na mga posisyon upang patatagin ang suporta para sa mga learners with disabilities o mga mag-aaral na may kapansanan. Kabilang sa mga posisyong ito ang Senior Education Program Specialists, Education Program Specialist II, Physical Therapist II, at Occupational Therapist II.
Ang paglikha ng mga posisyong ito ay naaayon sa pagpapatupad ng “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act (Republic Act No. 11650),” isang batas na layong maghatid ng mga mahahalagang programa at serbisyo para sa mga learners with disabilities. Bilang isa sa mga nagsulong ng batas na ito bilang sponsor at may akda, ikinagagalak natin ang paglikha ng mga posisyong ito, lalo na’t ang ating mga learners with disabilities ang makikinabang dito.
Kaya naman hinihimok natin ang DepEd na bilisan ang proseso upang agarang mapunan ang mga nasabing posisyon. Ang mga ekspertong ito ay magiging bahagi ng mga multidisciplinary team o ang grupo ng health and allied health professionals na maghahatid ng mahahalagang serbisyo para sa ating mga learners with disabilities, kabilang ang paglikha ng mga individualized education plans (IEPs) para sa bawat mag-aaral na may kapansanan. Layunin ng mga IEPs na gabayan ang pagtukoy at paghahatid ng mga serbisyong kinakailangan ng ating mga learners with disabilities upang tiyaking matututo sila at makakalahok sa ating sistema ng edukasyon at mga komunidad.
Bagama’t malaki pa ang ating mga pangangailangan para sa mga eksperto, mahalagang unti-unti nating dagdagan ang kanilang bilang hanggang sa tuluyan nating matugunan ang pangangailangan ng ating mga learners with disabilities.
Kung ating babalikan ang batas, nakasaad doon ang tinatawag na progressive realization of inclusive education upang unti-unting makamit ang layunin ng batas. Mandato ng batas ang pagkakaroon ng multi-year roadmap na magtatakda ng mga target tulad ng paglikha ng mga Inclusive Learning Resource Centers of Learners with Disabilities (ILRCs), paglikha ng mga plantilla positions, at iba pa.
Patuloy naman nating babantayan ang pagpapatupad ng batas upang matiyak na nakakamit natin ang mga layunin nito. Handang makipagtulungan ang inyong lingkod at ang inyong Senado upang itaguyod ang kapakanan ng ating mga mag-aaral na may kapansanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments