Mabanta ng Peanut Gallery Media Network, arestado sa extortion... P350M kapalit ng flood scam video ni Romualdez
- BULGAR

- May 7
- 2 min read
ni Gina Pleñago / Jeff Tumbado @News | May 7, 2026

Photo: Franco Mabanta - FB / NBI
Sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI), nadakip ang social media personality na si Franco Mabanta at apat na kasabwat umano sa pangingikil kay dating House Speaker at kasalukuyang Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Kabilang din sa inaresto ang mga opisyal ng Peanut Gallery Media Network (PGMN) na sina Ericson James D. Pacaba, John Alexander Vasquez Gomez, Jardine Christian Requio Serrano at Franco Jose Gallardo na isasailalim sa inquest proceedings sa paglabag sa reklamong Robbery (Extortion), kaugnay sa Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, inaresto si Mabanta at mga kasama batay sa reklamo na nangingikil kay Romualdez kapalit ng hindi paglalabas ng video na may kaugnayan sa flood control scam.
Si Mabanta na president at CEO ng PGMN ay inaresto sa kanyang unit sa Pasig City, Martes ng gabi (Mayo 5).
Batay kay Atty. Palmer Mallari, mahabang oras ang inabot ng operasyon dahil tumanggi si Mabanta na makipagkita para sa ibibigay na P75M bilang paunang bayad sa hinihinging P300M.
Araw ng Martes, alas 5:30 ng hapon, idineliber ang marked money sa Manila Peninsula Hotel sa Makati City, at inutusan sila na dalhin sa isang alyas Jimmy sa Valle Verde Country Club sa Pasig City.
Tinanggap ang entrapment money nina Serrano at Gallardo, at sa unit ni Mabanta naman, kung saan dinala ang pera, ay naroon sina Pacama at Gomez, na inabutan ng mga operatiba.
Ayon sa NBI, nagsimula noong isang taon pa ang umano’y pamba-blackmail kay Romualdez na unang demand ay P350 milyon subalit hindi pinatulan.
Muling tinawagan umano nitong nakalipas na dalawang linggo si Romualdez na nagkasundo na ibaba sa P300M, sa apat na tranche o P75 milyon sa bawat paghahatid ng pera.
Nagbigay umano ng deadline si Mabanta na kung hindi magbibigay ay ilalabas ang unang bahagi ng video sa petsang Mayo 5, kaya isinagawa na ang entrapment sa naturang petsa.
Samantala, sa pahayag ng PGMN, iginiit nilang inosente sila at biktima lamang umano ng isang “setup”. Anila, sa nakalipas na limang buwan, nagsagawa sila ng imbestigasyon hinggil sa umano’y malawakang korupsiyon na kinasasangkutan ni Romualdez.
Ayon pa sa PGMN, “devastating” o lubhang mabigat ang kanilang mga natuklasan, at nakahanda na umano ang isang 90-minutong exposé na naglalaman ng matitibay na ebidensya.





Comments