top of page
SHEET - CLAUDINE, NAPIKON NA TINAWAG NA BIPOLAR, MAGDEDEMANDA_FB Claudine Barretto.jpeg

Mga pag-aaral, nagpapakitang mas mababa ang panganib ng smoke-free products kaysa sigarilyo — PHILTHRA

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
3 min read

ni Chit Luna @News | October 20, 2026


Harm Reduction & Nicotine SUmmit 2026 - NCUP

Photo: NCUP



Iginiit nang Philippine Tobacco Harm Reduction Advocates (PHILTHRA) na dapat kilalanin sa mga patakaran at pagbubuwis ang pagkakaiba ng panganib sa kalusugan ng karaniwang sigarilyo at mga smoke-free nicotine product.


Sa ginanap na 2nd National Summit on Nicotine and Harm Reduction sa Pasay City, sinabi ng grupo na ipinapakita ng mga siyentipikong pag-aaral na mas mababa ang panganib ng mga produktong tulad ng e-cigarettes, heated tobacco products at nicotine pouches kumpara sa karaniwang sigarilyo, lalo na para sa mga adult smoker na tuluyang lilipat mula sa paninigarilyo.


Ayon sa PHILTHRA, hindi dapat awtomatikong ipataw ang parehong antas ng buwis sa mga smoke-free alternative at combustible cigarettes, dahil magkakaiba ang panganib na kaugnay ng paggamit ng mga ito.


Inilahad ng grupo ang mga resulta ng meta-analysis at scoping review na isinagawa ng CAPS and Partners Inc. tungkol sa mga epekto ng combustible cigarettes at vaping products.


Sa isang meta-analysis na sumaklaw sa humigit-kumulang 300 peer-reviewed studies, natuklasang hindi bababa sa 90 porsiyentong mas mababa ang harmful at potentially harmful constituents sa vape aerosol kumpara sa usok ng sigarilyo.


Lumabas din sa pagsusuri na hindi bababa sa 85 hanggang 95 porsiyentong mas mababa ang toxic potency ng vape aerosol.


Sa isa pang pagsusuri ng 20 pag-aaral, naitala ang hanggang 97 porsiyentong pagbaba sa biomarkers sa mga gumagamit ng alternative vape delivery systems. Gayunman, apat sa mga pag-aaral ang walang nakitang pagbuti.


Inilahad din ng PHILTHRA ang resulta ng sarili nitong scoping review na sumaklaw sa 670 pag-aaral sa nakalipas na tatlong buwan.


Ayon sa grupo, dalawang pangunahing konklusyon ang paulit-ulit na lumitaw sa mga pag-aaral: hindi ganap na ligtas ang non-combustible nicotine products, ngunit mas mababa ang panganib ng mga ito kumpara sa karaniwang sigarilyo.


Plano ng PHILTHRA na gawing meta-analysis ang naturang scoping review.


Binigyang-diin ng grupo na may tungkulin ang pamahalaan na protektahan ang mga mamimili sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa mga alternatibong may mas mababang panganib.


“The State still has the duty to protect them. And the way to protect them is to give them the less harmful alternative,” ayon sa PHILTHRA.


Kinuwestiyon din ng grupo ang dalawang palagay sa polisiya na iniuugnay nito sa Department of Finance (DOF): na magkakapareho ang panganib ng lahat ng nicotine products at na walang kaugnayan ang antas ng buwis sa paglaganap ng illicit trade.


Ayon sa PHILTHRA, hindi sinusuportahan ng mga umiiral na siyentipikong ebidensya ang pagtrato sa lahat ng nicotine products na para bang magkakapareho ang panganib ng mga ito.


Nanawagan din ang grupo ng risk-based taxation at mas mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga ilegal na produktong nikotina.


“It is in the interest of the state to protect the legitimate market,” sinabi ng grupo.


Dagdag nito, kailangang isaalang-alang ng pamahalaan kung paano maaaring makaapekto ang mga patakaran sa buwis sa paglaki o pagliit ng ilegal na merkado.


Samantala, sinabi ng PHILTHRA na humigit-kumulang 90 bansa na ang nagpapahintulot at nagreregula sa pagbebenta ng alternative nicotine delivery products.


Kabilang dito ang Saudi Arabia at United Arab Emirates na nag-alis ng kanilang mga pagbabawal noong 2019. Pinahintulutan din ng Jordan ang regulasyon sa parehong taon, habang nagpatupad ang Bahrain ng technical regulation noong 2021.


Binanggit din ng grupo ang mga pagbabago sa polisiya ng Malaysia, Egypt at Canada bilang mga halimbawa ng paglipat mula sa pagbabawal tungo sa legal at kontroladong pagbebenta.


Ayon sa PHILTHRA, bumaba na rin mula walo tungong apat ang bilang ng mga bansa sa Middle East na nagpapanatili ng pagbabawal sa mga naturang produkto.


“When you ban and you don’t regulate, you don’t protect the consumers,” sinabi ng grupo.


Iginiit ng PHILTHRA na mas makabubuti ang malinaw na regulasyon upang matiyak ang kalidad ng mga produkto at maprotektahan ang mga mamimili laban sa mga hindi sumusunod sa pamantayan.


Ipinaalala rin ng grupo na mayroon nang umiiral na batas sa Pilipinas sa ilalim ng Republic Act 11900, na nagtatakda ng regulasyon sa vaporized nicotine at non-nicotine products at novel tobacco products.


Binanggit din nito ang Sweden, United Kingdom, New Zealand at Canada bilang mga bansang may mga polisiya na kumikilala sa paglipat mula sa paninigarilyo bilang bahagi ng tobacco harm reduction.


Sa pagtatapos ng summit, inilunsad ng mga convenor ang Philippine Harm Reduction Agenda, isang panukalang balangkas ng polisiya na nakabatay sa siyensya at pagkakaiba ng panganib ng mga produktong nikotina.


Isusumite ang naturang agenda sa Kongreso at DOF upang maging batayan sa pagtalakay ng mga susunod na patakaran sa tobacco at nicotine products.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page