top of page

Maayos na transportasyon at kaligtasan ng mga komyuter, unahin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 16 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | January 9, 2026



Boses by Ryan Sison


Hindi na bago sa mga komyuter sa Metro Manila ang araw-araw na pagsubok sa pampublikong transportasyon, ngunit muling napatunayan ito ng viral na siksikan sa isang platform ng MRT-3 noong Lunes ng umaga. Sa halip na simpleng aberya, malinaw na sumasalamin ang insidenteng ito sa matagal nang suliranin: kakulangan sa maayos na crowd management, disiplina, at malasakit sa ordinaryong pasahero na umaasa sa tren para makarating sa kanilang patutunguhan.


Bandang alas-7:25 ng umaga nang mangyari ang matinding pagsikip sa platform, matapos payagang makapasok ang mga pasahero kahit ramdam na ang congestion. Nang dumating pa ang mga pasaherong bababa ng tren, lalong lumala ang sitwasyon at nagdulot ng pangamba sa kaligtasan ng lahat.


Agad namang humingi ng paumanhin ang pamunuan ng MRT-3 at inako ang responsibilidad. Bilang tugon, iniutos ng Department of Transportation (DOTr) ang agarang pagpapatupad ng lahat ng kinakailangang hakbang upang maiwasan ang ganitong kapabayaan.


Ayon sa MRT-3, paiigtingin ang pagbabantay at koordinasyon ng ground personnel para sa mas maayos na daloy ng pasahero, lalo na tuwing rush hour. Kasabay nito, mag-i-install ng walkthrough metal detectors sa northbound at southbound entrances ng North Avenue, Quezon Avenue, at GMA-Kamuning stations. Layunin nito na masigurong ligtas ang bawat komyuter sa pamamagitan ng maagang pagtukoy sa anumang banta o ipinagbabawal na gamit bago makapasok sa platform. Kalaunan, ipatutupad din ito sa lahat ng istasyon ng MRT-3.


Gayunman, higit pa sa metal detector at dagdag na bantay ang kailangan ng mga komyuter. Ang tunay na solusyon ay isang sistemang inuuna ang kanilang oras at kaligtasan. Hindi normal ang makipagsiksikan na tila sardinas tuwing umaga, at hindi dapat isugal ang buhay para lamang makarating sa patutunguhan.


Ang insidenteng ito ay panibagong paalala na ang transportasyon ay hindi pribilehiyo kundi pangunahing serbisyo para sa mamamayan. Hangga’t hindi nararanasan ng bawat komyuter ang malinaw at konkretong pagbabago sa sistema, mananatiling hirap ang publiko. Panahon na upang hindi lang pangako ang marinig kundi aktuwal na ginhawang maramdaman: ligtas, maayos, at makataong biyahe para sa lahat.


Ang pag-unlad ng lungsod ay hindi nasusukat sa dami ng proyekto, kundi sa gaano napapagaan ang buhay ng ordinaryong mamamayan. Oras na upang ilagay ang komyuter sa sentro ng bawat desisyon, sapagkat sa kanilang araw-araw na sakripisyo nasusubok ang tunay na malasakit ng serbisyo publiko.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page