Maaaring bigyan ng donasyon ang wala pa sa hustong gulang
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 08, 2021
Dear Chief Acosta,
Wala akong sariling pamilya at maaga rin akong naulila ng aking mga magulang. Mayroon akong kaunting naipundar sa bangko dahil matagal-tagal din akong nagnegosyo ng home baking. Sapagkat ako ay huminto na sa pagbe-bake dahil hindi na kaya ng aking katawan, nais ko na sanang ipamigay ang aking mga kagamitan na maaari pang magamit sa aking inaanak na anak ng pinakamatalik kong kaibigan. Nahihilig kasi siya ngayon magtinda-tinda ng baked products. Maaari ko ba siyang bigyan kahit 16-anyos pa lamang? – Manuelito
Dear Manuelito,
Ang paglilipat o pagsasalin ng pagmamay-ari ng mga bagay o ari-arian nang walang kapalit na salapi ay maaaring gawin sa pamamagitan ng kasunduan ng donasyon kung ang pagsasalin ay magaganap habang kapwa nabubuhay ang magbibigay at ang pagbibigyan.
Alinsunod sa Article 735 ng New Civil Code of the Philippines, ang lahat ng tao na maaaring makipagkontrata at mag-dispose ng kanilang ari-arian ay maaaring magbigay ng donasyon. Subalit, sa Article 736 at 739 ng nasabi ring batas, ang mga sumusunod ay nililimitahan ang kakayahang magbigay ng donasyon:
“Art. 736. Guardians and trustees cannot donate the property entrusted to them.
x x x
x x x
Art. 739. The following donations shall be void:
1. Those made between persons who were guilty of adultery or concubinage at the time of the donation;
2. Those made between persons found guilty of the same criminal offense, in consideration thereof;
3. Those made to a public officer or his wife, descendants and ascendants, by reason of his office.
x x x”
Para sa mga tatanggap ng donasyon, nakasaad sa ating New Civil Code na mahalagang hindi sila partikular na dinidiskuwalipika ng batas. Para naman sa mga wala pa sa hustong gulang, kinakailangan na ang donasyon ay sa pamamagitan o tulong ng kanilang mga magulang o legal na kinatawan:
“Art. 738. All those who are not specially disqualified by law therefor may accept donations.
x x x
x x x
Art. 741. Minors and others who cannot enter into a contract may become donees but acceptance shall be done through their parents or legal representatives.”
Kaugnay ng mga nabanggit na probisyon ng batas, masasabi na maaari mong i-donate ang iyong mga kagamitan sa pagbe-bake sa iyong inaanak kung hindi ka kabilang sa mga uri ng tao na nililimitahan ng batas ang kakayahang mag-donate. Sa bahagi naman ng iyong inaanak, maaari pa rin siyang maging donee kahit na siya ay 16-anyos pa lamang, mahalaga lamang na ang pagtanggap ng donasyon ay sa pamamagitan ng kanyang mga magulang o legal representatives.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments