Maaari bang palayasin kapag ginamit na warehouse ang paupahang bahay?
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 14, 2021
Dear Chief Acosta,
Pinaupahan ko ang aking bahay sa kondisyong maaari lang itong gamitin bilang tirahan at hindi para sa ibang dahilan. Lingid sa aking kaalaman ay ipinaupa ito ng nangungupahan sa ibang tao, na ginamit ang aking bahay bilang warehouse. Kinausap ko ang sublessor na itigil ang paggamit ng aking bahay bilang warehouse ngunit hindi siya pumayag. May batas ba tungkol dito? – Eve
Dear Eve,
Ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Articles 1650-1651 ng New Civil Code of the Philippines, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“Article 1650. When in the contract of lease of things there is no express prohibition, the lessee may sublet the thing leased, in whole or in part, without prejudice to his responsibility for the performance of the contract toward the lessor.
Article 1651. Without prejudice to his obligation toward the sublessor, the sublessee is bound to the lessor for all acts which refer to the use and preservation of the thing leased in the manner stipulated between the lessor and the lessee.”
Ibig sabihin, ang umuupa o lessee ay maaaring magpaupa sa isa pang tao o sublessor kung hindi ito pinagbabawalan ng kanyang lease agreement. Subalit, nararapat pa ring sumunod ng sublessor sa alituntunin ng paggamit ng naupahang bagay sa pagitan ng lessor o nagpapaupa at lessee.
Sa inyong sitwasyon, maaari ninyong ipapigil ang paggamit ng sublessor ng inyong bahay bilang warehouse sapagkat nararapat siyang sumunod sa alituntunin ng paggamit ng inyong pinauupahang bahay na dapat lang gamitin bilang tirahan, at hindi para sa ibang dahilan (Jurado, Civil Law Reviewer, 21st Ed., 2009 at 1005, citing Article 1651, New Civil Code).
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments