Maaari ba magsampa ng Bigamy ang anak laban sa kanyang ama?
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 08, 2021
Dear Chief Acosta,
Ikinasal noong 2002 ang aking mga magulang. Makalipas ang 15 taon, iniwan kami sa aming ina. Nakumpirma naming ang aking ama ay muling ikinasal sa ibang babae last year. Nais ng aking ina na magsampa ng kasong Bigamy laban sa kanya, ngunit namatay siya noong January nitong taon ang aming. Maaari ba na ako, bilang anak ang magsampa ng nasabing kaso laban sa aking ama? – Ryan
Dear Ryan,
Ang batas na sasaklaw tungkol sa inyong katanungan ay ang Act No. 3815, o mas kilala bilang The Revised Penal Code. Nakasaad sa Article 349 ng nasabing batas:
“Article 349. Bigamy. –
The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”
Kaugnay nito, isinaad ng Korte Suprema sa kaso ng Fujiki vs. Marinay et al. na:
“Bigamy is a public crime. Thus, anyone can initiate prosecution for bigamy because any citizen has an interest in the prosecution and prevention of crimes.” (Binigyang-diin)
Alinsunod sa mga nabanggit sa itaas, ang Bigamy ay krimen kung saan ang tao ay nagpakasal muli bago pa man mapawalang-bisa ang kanyang naunang kasal, o bago ideklara ng korte na ang kanyang asawa sa unang kasal ay maituturing na “presumptively dead.”
Samakatwid, ang Bigamy ay krimen laban sa publiko sapagkat ito ay nakaaapekto sa civil status ng mamamayan. Sa nasabing kadahilanan, ang sinuman ay maaaring magsampa ng nasabing kaso laban sa taong inaakusahang nagkasala nito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments