M. Mla. lubog, klase, late sinuspinde... Estudyante, buwis-buhay sa baha
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado @News | August 18, 2026

Photo: Ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila ang lumubog sa tubig-baha nitong Lunes, Agosto 17, bunsod ng patuloy na pagbuhos ng malakas na pag-uulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Buwis-buhay ang sinapit ng ilang estudyante na kinailangang tumawid sa tubig-baha upang makauwi sa kanilang mga bahay sa kabila ng malakas na pag-uulan.
Sa halip na manatili sa ligtas na lugar, napilitan silang makipagsapalaran sa baha dahil umano sa pagkaantala ng anunsyo sa suspensyon ng klase.
Ilang magulang at residente ang nagpahayag ng pangamba sa kaligtasan ng mga mag-aaral, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng tubig sa ilang lugar.
Umaasa ang mga ito na magiging mas maagap ang mga kinauukulan sa pagpapalabas ng anunsyo sa suspensyon ng klase upang maiwasang malagay sa panganib ang buhay ng mga estudyante.
Kaugnay nito, ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila ang lumubog sa tubig-baha nitong Lunes, Agosto 17, bunsod ng patuloy na pagbuhos ng malakas na pag-uulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Batay sa pinakahuling monitoring ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), alas-3:37 ng hapon, ilang lugar sa Maynila, Quezon City, Malabon, Taguig, Mandaluyong at Marikina ang nakitaan ng pagbaha.
Sa Maynila, kabilang sa mga binaha ang España Boulevard sa kanto ng Antipolo Street at M. Dela Fuente Street, Rizal Avenue sa mga kanto ng Pampanga at Bambang Streets, Abad Santos Avenue sa Yuseco Street, Roxas Boulevard, Quirino Avenue at Quezon Boulevard.
Umabot sa 24 pulgada ang lalim ng baha sa España Boulevard kanto ng M. Dela Fuente Street, habang nasa 17 hanggang 19 pulgada naman sa ilang bahagi ng España Boulevard at Rizal Avenue. Ilang lugar ang hindi madaanan ng mga light vehicle.
Sa Quezon City, kabilang sa mga nakaranas ng matinding pagbaha ang Amoranto Avenue, A. Bonifacio Cloverleaf, Araneta Avenue, Quezon Avenue, EDSA White Plains at ilang bahagi ng Commonwealth Avenue.
Umabot sa 26 pulgada ang baha sa A. Bonifacio Cloverleaf at Araneta Avenue, dahilan upang hindi ito madaanan ng mga sasakyan.
Nasa 19 pulgada naman ang naitalang baha sa ilang bahagi ng Amoranto Avenue at Quezon Avenue.
Samantala, sa Malabon, umabot sa 18 hanggang 19 pulgada ang baha sa Gov. Pascual Avenue, habang nasa kalahating tuhod ang lalim sa ilang bahagi ng F. Sevilla Boulevard, Barangay San Agustin at C. Arellano Street.
Nasa walong pulgada naman ang baha sa Chino Roces Avenue sa Taguig, EDSA-Ortigas Service Road southbound sa Mandaluyong, at Marcos Highway sa ilalim ng SM Marikina sa Marikina.
Ilang kalsada naman na naunang binaha ang naiulat na humupa na ang tubig, kabilang ang ilang bahagi ng EDSA, Kamuning, Quezon Avenue, East Avenue, Farmers, Main Avenue at iba pang lugar sa Quezon City, Caloocan at Valenzuela.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon habang nagpapatuloy ang epekto ng Habagat sa Metro Manila.





Comments