LTFRB at LTO, galaw-galaw vs. mala-pusit na usok ng sasakyan
- BULGAR

- 20 hours ago
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 14, 2025

Isa sa matagal nang tinitiis ng ating mga kababayan lalo na sa Metro Manila at mga siyudad sa bansa ay ang pagkarumi-ruming hangin na ating nalalanghap.
Paano ba naman, kabi-kabila ang mala-pusit na usok mula sa tambutso ng mga sasakyan na hindi na dapat pinapayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transportation Office na mairehistro para magamit sa tila unti-unting pagkitil ng buhay ng ating mga kababayan sa lansangan.
Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit ang mga turistang minsan nang pumunta rito ay ayaw o nagdadalawang-isip nang bumalik sa Pilipinas.
Para naman sa mga ordinaryong nagtatrabaho at kailangang pumasok araw-araw, aba’y ‘pag umalis ka sa iyong tinutuluyang bagong ligo at mabango ang amoy, pagsakay mo sa hindi naka-aircon na pampublikong transportasyon ay magsisimula ka na ring manggitata. At kung basa pa ang iyong buhok ay matutuyo ito nang malagkit at amoy usok, na tila galing ka sa pagsisiga ng ilang oras. Pagdating mo sa trabaho, malagkit ka pa sa kalamay sa rumi ng iyong pakiramdam.
Sa ganda ng likas na yamang mayroon ang Pilipinas, dadagsain sana ang ating bayan ng higit pang maraming turista kung napapangalagaan lamang ang kalinisan ng ating hangin. Ngunit sa matagal na panahon, natulog tayo sa pansitan at hinayaan nating magharing uri ang mga nagpaparumi ng ating hangin na dapat nating ikinulong at pinanagot sa rami ng namatay na mula sa peligrong dala nito.
Iyang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization, naniniwala tayong matagal na iyang napapanahon. Matagal nang nagtitiis ang mga Pilipino sa kalalanghap ng usok mula sa mga lumang pampublikong sasakyan na hindi namimintina ng maayos o mahina na ang makina kaya gayon na lamang ang ibinubuga nitong usok sa pamamasada sa lansangan.
Kung binigyan at tinulungan na lang sana ng sapat itong mga PUV drivers, umalagwa na sana ang modernisasyon. Ayun naman pala at bilyun-bilyon ang napunta sa pangungurakot na maaari namang itinulong na lamang sa mga isang kahig isang tukang mga tsuper.
Ngunit kahit nga wala pa iyang modernisasyon, kung hindi lamang pinayagang mairehistrong muli ang mga peligrosong mga sasakyan ay hindi masasalaula ang kalidad ng ating hangin.
Palibhasa de-aircon ang sinasakyang service vehicle ng mga opisyal ng gobyerno, kaya hindi nila nararanasan kung paano umalingasaw ang kanilang amoy mula sa smoke belchers na walang pakundangan at makapal ang hilatsa ng mukhang ibiyahe pa ang kanilang mga sasakyan.
Kailangan ba matitigil ang pagbibigay ng panibagong rehistro sa mga ganitong uri ng pasakit na mga sasakyan? Aba’y napapanahon na para pagtuunan ng pansin ang mga nagbibigay ng lisensya at permit na mga ahensya ng gobyerno na diumano’y lugar ng pulut-pukyutan ng mga paglalangis — kaya nakakalusot kahit may mga diperensya o wala puwang sa maayos na lipunan.
Nalalapit na ang araw ninyo, at may araw din kayo ng pananagutan — sa panahong
hindi ninyo inaasahan, kayong mga ganid at nagbebenta ng kapakanan ng taumbayan.
Gaya ng pagkakabisto ng mga salarin sa flood control scandal, mabibisto rin kayo nang hindi ninyo akalain.
Pangulong Marcos Jr., bigyan ninyo ng pansin ang daing ng ating mga kababayang nag-
aamoy-usok araw-araw sa lansangan para makarating sa kanilang paroroonan.
***
Bago tayo magtapos, hayaan ninyong batiin ko ang isang masugid nating mambabasa na nagbibigay sa atin ng reaksyon, si Dra. Aurora Franco Gali, na ating hinahangaan sa kanyang paglilingkod sa mga mahihirap na maysakit diyan sa Laguna. Mabuhay ka, Dra. Gali! Pagsaludo sa iyong paglilingkod sa ating mga kababayang may karamdaman — umulan man o umaraw.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments