top of page
Search
BULGAR

Lolo’t lola, magdoble-ingat para iwas-budol

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Nov. 11, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Habang abala tayo sa pagsisikap kung paano mapapagaan ang buhay ng ating mga senior citizen ay sumasabay naman ang mga masasamang-loob na ang biktima mismo ay ang ating mga lolo at lola kaya kailangan ng ibayong pag-iingat.


Kamakailan lang ay nasabat ang hindi bababa sa P5 milyong halaga ng pekeng gatas para sa mga senior citizen at diabetic sa isang bodega sa Cainta, Rizal kasunod ng reklamo ng isang brand.


Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) ang bodega sa loob ng isang subdivision, ayon sa ulat.

Inabot ng mga operatiba ang mga pekeng produkto na naka-pack at handa nang i-deliver sa mga nag-order sa mga ito online sa mas mababang presyo.


Ayon sa NBI, dumulog sa kanilang tanggapan ang isang pagawaan ng espesyal na gatas at nagsumbong na may namemeke ng kanilang produkto.


Nang makumpirma ng NBI-IPRD, agad na ikinasa ang operasyon kung saan nasa 4,000 milk cans ang nakumpiska.


Sa pekeng produkto, nakadikit lamang sa lata ang sticker o label hindi tulad sa orihinal na produkto na nakaimprenta mismo sa lata.


Sasampahan ng reklamong trademark infringement at unfair competition ang kumpanya na nasa likod ng pamemeke sa produkto.

Naghain din ang NBI ng motion for destruction para sirain ang lahat ng pekeng milk products.


Kaya kailangan ng dobleng pag-iingat at tiyaking bumili lamang ng mga produkto mula sa lehitimong supermarkets o tindahan. 


Sayang ang mga benepisyong makukuha ng ating mga lolo at lola katulad ng cash gift para sa mga senior citizen na sasapit sa edad na 80, 85, 90, kung mapupunta lamang sa mga masasamang-loob na nagbebenta ng mga pekeng produkto at posible pang ikamatay ng ating mga senior citizen.


Kaya nga sinikap nating mabigyan ng mga karagdagang benepisyo ang mga senior citizen dahil sa marami sa kanila ang retirado na at wala ng hanapbuhay, kaya napakasakit malaman na sila pa ang puntirya ng mga masasamang-loob.


Sa darating na Enero ay puwede nang simulan ang pamamahagi ng karagdagang benepisyo para sa ating mga lolo at lola -- sisikapin kong ako mismo ang unang magbibigay sa sinumang matatapat ang edad sa 80, 85, 90 at 95 at pagkakalooban natin ng P10,000 dahil umiiral na itong batas na ito.


Kumbaga, ang matagal na paghihintay ng ating mga lolo at lola ay maiibsan na dahil popondohan na ito sa darating na Enero at tuwang-tuwa rin ako dahil ako mismo ang may-akda ng panukalang ito na ngayon ay isa nang ganap na batas.


Napakarami pa nating plano para sa ikagaganda at ikagagaan pa ng buhay ng ating mga senior citizen.


Kasama na ang kapakanan ng mga manggagawa, nurses, teacher at mga overseas Filipino worker (OFWs) na lahat ay araw-araw nating iniisip kung paano mabibigyan ng magandang buhay.


Lahat ng ikabubuti at ikagagaan ng buhay ng ating mga kababayan ay pinagsusumikapan natin sa Senado at napakarami pang nakabinbin na ipagpapatuloy naman natin sa mga darating na panahon.


Sa ngayon ay medyo naagaw lang ang aking pansin hinggil sa pagkakaaresto ng sindikatong nambibiktima ng mga senior citizen kaya mabilis tayong nagpapaalala dahil kahit nasakote na ang mga namumuno sa sindikatong ito ay tiyak na may nakakalat pa rin itong galamay na inaasahang mambibiktima sa panahon ng Kapaskuhan.


Anak ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page