top of page

Livestreaming ng deliberasyon ng budget, dapat nang simulan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 17
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | October 17, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa wakas unti-unti nang binubuksan ng pamahalaan ang kurtina ng budget deliberations. Dahil karapatan ng bawat mamamayan na magkaroon ng kaalaman sa kung paano ginagastos o saan gagastusin ang pera na mismong sa kanilang mga bulsa ibinabawas. 


Sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, ila-livestream na ang bicameral conference committee (bicam) meetings para sa P6.793 trilyong pambansang budget sa 2026, isang paraan na inaasahang magpapatibay ng tiwala ng publiko. 


Ayon kay Speaker Dy, matagal nang layunin ng Kamara na gawing mas bukas ang proseso, kaya pinalitan na ang dating small committee ng Budget Amendment and Revision Subcommittee (BARSc) upang masuri ng publiko ang bawat galaw nito. 

Ganito rin ang gustong sabihin ng Pangulo na wala nang insertions na palihim na isinisiksik, dahil ngayon ay makikita na ng publiko ang bawat pagbabago, magiging malinaw na kung sino ang naglalagay at saan ito gagamitin. 


Sumang-ayon naman si Senate President Sotto sa panukalang livestreaming, na aniya’y bahagi ng kanilang napagkasunduan para sa mas maliwanag at tapat na deliberasyon. 


Maging si Senator Sherwin Gatchalian ay iginiit na malaking hakbangin ito, dahil magkakaroon na ng digital copy ng General Appropriations Bill (GAB) na dati’y isa lang ang kopya sa apat na volume, pero ngayon bawat senador ay may sariling USB copy na. 

Isang senyales na handa nang yakapin ng pamahalaan ang digital transparency, kung saan dapat na rin nating simulan.   


Ayon sa isa pang kongresista, ang hakbang na ito ay makatutulong upang mabunyag kung sino ang nasa likod ng mga anomalya sa proyekto — mga kontrobersyal na budget insertions. Ngunit paalala ng ilang partylist na representatives, na hindi dapat nakadepende sa kagustuhan ng iilang lider ang transparency, dapat itong ma-institutionalize bilang karapatan ng mamamayan. 


Ang open bicam ay hindi lang nangangahulugan sa pagiging bukas ng gobyerno, ito ay paalala na ang kapangyarihan ay galing sa taumbayan. 


Sa isang bansang ang mga mamamayan ay handang manood, makialam, at magtanong, mahirap itago o magtago sa dilim. Dahil sa liwanag ng katotohanan, lahat ay masisiwalat, lahat mabubunyag. Walang dapat ilihim sa mga mamamayan lalo ang perang pinag-uusapan ay pera ng taumbayan. 


Magandang simula ito subalit hindi rito dapat magtatapos ang laban para sa ganap na pagiging bukas. Gayundin, ang livestream ay hindi sana maging palabas lang dahil may kamera, dapat itong magsilbing pananagutan. Dahil ang tunay na pagbabago ay nakikita hindi lamang sa transparency, kundi sa tapang ng mga lider na magsiwalat, magpaliwanag, at umamin.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page