top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Limit sa social media para sa mga bata, suportahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 14, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang linggo, nagkaroon ng pagdinig ang Senate Committee on Basic Education, kung saan tinalakay ang mga naging insidente ng karahasan sa ating mga pampublikong paaralan, kabilang ang insidente ng pananaksak sa San Jose National High School sa lungsod ng Tacloban.


Sa naturang pagdinig, tinalakay din ang isa sa mga isinusulong nating panukalang batas: ang Electronic Gadget-Free Schools Act na layong tuluyang ipagbawal ang paggamit ng mga smartphone at iba pang electronic gadgets sa oras ng klase. Kaugnay nito, nagkaroon din tayo ng talakayan sa panukala nating ipagbawal sa mga menor-de-edad na wala pang 16 taong gulang ang paggamit ng social media. 


Nais kong bigyang diin na hindi na bago ang panukalang pagpapatupad ng 'social media ban' sa mga menor-de-edad. Marami nang ibang bansa ang nagpatupad ng ganitong polisiya. Una na rito ang Australia na opisyal na sinimulan ang pagpapatupad ng naturang polisiya noong nakaraang Disyembre para sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang. 

 

Dito sa Timog-Silangang Asya, nauna na ang bansang Indonesia at sumunod kamakailan ang bansang Malaysia. Nitong nakaraang buwan, inanunsyo na rin ng United Kingdom na ipapatupad nila ang parehong polisiya para sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang. Malinaw na para sa mga bansang ito, nakikita nila ang panganib na dulot ng social media sa kapakanan ng kanilang mga kabataan. 

 

Matatandaang nagpahayag din kamakailan ang Philippine Pediatric Society tungkol sa mga panganib ng social media sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang, lalo na kung hindi nababantayan ang kanilang paggamit nito. 

 

Binalikan naman ng  Philippine Society for Developmental and Behavioral Pediatrics ang naging karanasan ng mga kasapi ng kanilang organisasyon. Ayon sa mga kasapi ng organisasyon, may mga pasyente silang hinarap ang mga epekto ng unregulated na paggamit ng social media, kabilang ang anxiety, emotional dysregulation, at hindi regular na oras ng pagtulog. 

 

Kaya naman nakakabahalang malaman na maraming batang internet users na Pilipino ang gumagamit na ng social media. Sa social media platform na Facebook, halimbawa, kinakailangang 13 taong gulang ang dapat na gumagamit nito. 

 

Ngunit batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, mataas na porsyento ng mga batang internet users na ito ang gumagamit na ng social media. Batay sa datos ng PSA, 87.64% ng mga 12 taong gulang na mga Pilipinong gumagamit ng internet ay may account sa social media, samantalang 80.76% naman ng mga 11 taong gulang na internet users ay gumagamit ng social media. Sa mga 10 taong gulang na Pilipinong gumagamit ng internet, 72.86% ang may account sa social media.

 

Kaya naman para sa inyong lingkod, hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon upang protektahan ang ating mga kabataan mula sa mga pinsalang dulot ng social media. Panahon na upang kumilos bago mahuli ang lahat.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page