Limang taong pagkakakulong at P100-K multa sa pekeng beterinaryo
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 12, 2021
Dear Chief Acosta,
Namatay ang aking aso habang ginagamot ng beterinaryo. Nalaman ko na lamang sa aking kaibigan na ang nasabing beterinaryo ay nagpapanggap lamang at hindi lisensiyado. Ano ang maaari niyang kaparusahan dito? – Rose
Dear Rose,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Republic Act No. 9268, o mas kilala sa tawag na The Philippine Veterinary Medicine Act of 2004. Nakasaad sa Section 33 nito na:
“Section 33. Penal Provision. The following persons shall be punished:
[a] Any person who shall practice veterinary medicine within the meaning of this Act without a valid Certificate of Registration and a Professional Identification Card or a valid special permit issued in accordance herewith;” (Binigyang-diin)
Ayon sa nasabing batas, ang sinumang gumamit ng titulong Veterinarian ng walang kaukulang Certificate of Registration at balidong Professional Identification Card o permit ay maaaring maparusahan ng pagkakakulong ng isang taon hanggang limang taon at/o pagbayarin ng multa na nagkakahalagang P50, 000 hanggang P100, 000.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments