Limang taong pagkakakulong at multa sa maninira ng istruktura sa minahan
- BULGAR
- Jul 24, 2021
- 1 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 24, 2021
Dear Chief Acosta,
Nagtatrabaho bilang minero ang aking kaibigan. Kamakailan ay napagalitan siya ng pamunuan ng mining site dahil sa kapabayaan sa trabaho. Dahil dito, nagbabalak siyang gumanti sa pamamagitan ng pagsira ng mga istruktura sa minahan. Mayroon bang batas tungkol sa balak gawin ng aking kaibigan? – Andre
Dear Andre,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na inyong inilahad ay ang Section 104 ng Republic Act No. 7942, na mas kilala bilang “Philippine Mining Act of 1995” na kung saan nakasaad ang sumusunod:
“Section 104
Destruction of Mining Structures
Any person who willfully destroys or damages structures in or on the mining area or on the mill sites shall, upon conviction, be imprisoned for a period not to exceed five (5) years and shall, in addition, pay compensation for the damages which may have been caused thereby.”
Ibig sabihin, mariing ipinagbabawal ng batas ang paninira ng mga istruktura sa mining area o mill sites. Maaaring makasuhan ang sinumang lumabag dito, at mapatawan ng pagkakulong nang hindi lalagpas sa limang taon, at pagbayarin ng halaga ng kaukulang danyos hinggil sa kanyang ginawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments