top of page
Search
  • BULGAR

Limang ahente ng PDEA na “nameke ng operasyon”, dapat kasuhan!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 29, 2020



“Presumption of regularity” ang palaging sinasabi ng mga tagapagpatupad ng batas. Ang iginigiit ay lahat ng kanilang ginagawa ay lehitimo at legal. Pero alam nating hindi ganito ang palaging kalakaran o tunay na nangyayari.


Kamakailan, pinabulaanan ng CCTV ang umano’y buy-bust operation ng mga ahente ng PDEA sa Dumaguete. Hindi nagtugma ang istorya ng limang ahente ng PDEA sa CCTV footage. Makikita rito na isa-isang dinampot ang mga “suspek” sa magkakaibang lugar bago dinala sa bahay ng isa sa mga suspek at doon na “inaresto”.


Ano ang laban ng mga inaresto kung walang CCTV footage? Siguradong “presumption of regularity” ang idadahilan ng mga mga ahente. Hindi maiiwasang itanong, sa lahat ba ng operasyon kontra ilegal na droga mula 2016, ilan ang mga tunay at ilan ang hindi, kung walang CCTV para mapatunayan ito?


Samantala, iniimbestigahan na ang limang ahente ng PDEA. Dapat kasuhan ang mga ‘yan dahil may ebidensiya—may CCTV footage.


Pinaliwanag ng PDEA, hindi ganyan ang karaniwang kalakaran sa ahensiya. Pero, paano natin malalaman? Ano ang motibo ng limang ahente para i-peke ang operasyon? May promosyon ba sila kung nakahuli sila ng mga suspek sa ilegal na droga? May dagdag-bayad ba sila kung makahuli?


Matagal nang krimen ang pagtulak at paggamit ng ilegal na droga, kaya ang tanong ay bakit ngayon lang nagseryoso ang PNP, PDEA at iba pa na manghuli?


Kung ano ang nais ng kasalukuyang pangulo na sugpuin, ‘yan ang susundin ng PNP? Kung ang susunod na pangulo ay galit sa mga jaywalkers o kidnapping, d’yan ba magiging seryoso naman ang PNP?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page