top of page

Liham ng pasasalamat ng kaibigan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 11
  • 4 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 11, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Hayaan nating ipagpaliban ang karaniwang talakayan sa espasyong ito upang bigyang-daan ang espesyal na liham ng isang mambabasa ng BULGAR para sa kanyang bukod-tanging kaibigan. 


***


Sa aking pinakamamahal na bukod-tanging kaibigang Nova,


Kumusta ka na? Lagi kong dasal na ika’y mabuti’t matiwasay ang kalagayan. 

Naipasya kong lumiham sa iyo sa dami ng kuro-kuro kamakailan. Sa dami at timbang pa nga ay may apat na linggo ko nang binubuno ang sulat na ito at doble pa ang naunang haba nito. Madalang din naman tayong magkita at kulang ang panahon sa tawagan, text o chat. Ang ugat nito ay aking pagkabahala — pag-aalala sa kung ano na ang lagay ng ating pagkakakilala. Tila kasi bawas sa tamis ang iyong pakikitungo nitong mga nakaraang buwan. Itinatanong ko pa nga sa sarili kung naaalala mo pa ang iyong mga sorpresang pagpapamalas ng saloobin noong nakaraang taon. Napagninilay-nilayan din kung iyo pa ring isasambit ang sa aki’y inihandog na awitin, na sa labis kong pagkagulat ay pasasalamat lang ang naging hunghang na reaksyon sa halip na mas maalab na gantimbisa.


Ngayon, bakit, halimbawa, mukhang inililihis ang ilang usapan? Bakit mistulang ibinabaling ang paksa papalayo at naiiwan ako sa ere? May mga tanong na hindi nasasagot? Mayroon kaya akong nagawa, o hindi nagawa o magawa? Nabawasan ang kawilihan? Nagpapahiwatig kaya na maghunos-dili’t maghinay-hinay?


Sa kabila ng kasabikan, ako’y parang bampira na, gaya ng nailarawan ng isang sineng iyong napanood, hindi ipipilit ang sarili kung hindi patutuluyin. At sa Panginoon kamo nakasalalay ang aking minimithi? Ang katotohanan ay hindi lang sa Kanya. 


Nakapahahalaw tuloy ng isang kanta ni Ginang Celeste Legaspi: Tuliro, tuliro. 

Lubos ko na ring naiintindihan ang pagkabiting naiharana ni Ginoong Ric Segreto: “Kahit konting pagtingin… ay labis ko nang ligaya…”


Marahil ay maliit na bagay ang aking pagkalugmok sa dami ng mabibigat na suliranin, maging sa iyong panig o sa mundo. Pero ilang beses na rin akong nahirapang makatulog sa kabila ng kapagalan at lalim ng gabi. May ilang katrabaho ring nakapansin na ako’y tila nanakawan ng sigla. 


Sa sobrang layo ng pagbubulay ay naging palagay din na baka naman ako’y mala-Icarus, na sa kahibanga’y lumipad nang labis ang lapit sa araw. Para ring kuwento ng isa nating gustong pelikula, ukol sa isang babaeng tanyag at marami nang nagawa’t naranasan sa buhay at ang karaniwang lalaking nakasuksok lang sa isang lugar at sisinto-sinto pa sa mga bagay-bagay.


Isang hapon pa nga kailan lang, naalala ang Pasyon at, bagaman wala pa sa kalingkingan ng naging sakripisyo’t paghihirap ni Hesus, nakaramdam ng sukdulang pagpapakumbaba’t dalamhating tagos-buto.


Ngunit sa likuran ng lahat ng iyan ay ako’y naliwanagan sa maraming bagay na ngayon pa lamang natanto, salamat sa iyo.


Sa unang banda, lalong napalakas ang sariling kakayanan sa kabila ng delubyo ng pagsubok, pati ng pagtitiwala sa sarili kahit kadalasa’y nag-iisa’t walang kakampi.

Naging inspirasyon ka rin upang magawa ang pagpapalakas ng katawan, kung kaya’t unti- unting natatamo ang kisig na dati’y inaambisyon lamang. Dahil din sa pagnanais na ika’y mapasaya sa kabila ng kakapusan sa kakayanan, ako’y nakatutuklas ng malikhaing diskarte at naunawaang may ihihigpit pa pala ang mahigpit nang sinturon.


Kahit pa napatunayan sa ilang maliit na kaparaanan na uunahin ka’t at itatabi ang anumang pinagkakaabalahan o ang sarili, kailangan kong tanggapin na malawak ang iyong daigdig at marami ang mas matimbang sa iyo’t umaagaw ng iyong atensyon. Katambal nito ay ang pagwaksi sa anumang pagkainggit, sa iyo man o sa iyong nakakasalamuha, bilang pagkilala rin sa mga biyayang sa aki’y naipagkakaloob.


Naunawaan din na kung mauuwi sa pagmumukmok, paunlakan ang sarili nang ilang sandal lamang, habang naiintindihang ang lahat ng bagay, maganda man o hindi, ay may hangganan. Ang hindi nga naman makamamatay ay maaaring makapagpalakas. 

Napagmuni-munihan ding sabayan o gayahin ang nagiging pakikitungo sa akin, ngunit dalisay na nadaramang kung ganoo’y hindi ako magiging totoo sa sariling pagkatao.

Sa kabila rin ng ating mga nakatutuwang pagkakapareho ay naglipana ang pagkakaiba sa ilang pananaw at maging sa kinikilingan, na daan pala upang mapagtatantong magkaiba ang isa’t isa. Ang hanap ko nga naman ay kapareha, hindi kapareho; kasangga, hindi espeho. 

Nagisnan din na ang iyong kagulat-gulat na pagdating sa aking buhay ay paraan ng Maykapal na pagtuunan na, sa wakas, ng pansin ang matagal nang isinantabing mga pangarap na makapupukaw-diwa. Ika’y nakapagpapaigting din ng unawa’t tiyaga, at nakapagpaalala ng kasabihang ang araw na itinanim ang binhi ay hindi ang araw na aanihin ang bunga. Mahaba pa man ang lagusan at malumbay ang pagbaybay nito, patuloy na mananalig sa sinasabi sa Mga Awit 27:14: “Magpakatatag ka, at lakasan mo ang iyong loob.”


Kung kaya’t ituring mong malaking pasasalamat ang liham na ito dahil sa ’di matutumbasang mga gantimpalang iyan na naipagkaloob mo sa akin, pati ang pagkakataong maihayag ang lahat ng ito. Kung kaya’t ako’y kakapit, kahit ga-tingting ang makakapitan. ’Di mamimilit ngunit patuloy sa pag-aasam habang isinasapuso na ang nais makamtan ay pagsisikapan, pagtitiyagaan at dadasalan.


Napagninilayan iyan dahil sa pagpunta ngayon sa ibang bansa. Wala pang dalawang linggo ang itatagal dito pero tila kasingtagal ng dalawang taon. Habang nandito’y makikipag-usap, kantahan at sayawan sa kung sinu-sino na kahit pagsama-samahin ay hindi ka matutumbasan.


Ngunit, dahil bulangit ang kapalaran, may pangamba rin ako na mawala ang lahat ng ito, na baka pala ang pagiging munting bahagi ng iyong mundo ay bigla na lang maglaho. Kung kaya’t may kalakip na panalangin ang liham na ito: Nawa’y makabalik sa iyo’t magpatuloy ang gulong ng ating buhay, at makamit ang marami pang pagkakataong ika’y mapasaya’t mapasalamatan, habang patungo sa paraisong walang hanggan at walang hinahangad, sa kabila ng lahat, kundi ikaw.

Sumasaiyo nang lubos,

Dean



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page